Buong mundo habang abala sa coronavirus, pangmamaton ng China sa mga karagatan, patuloy pa rin!
- Korina Sanchez
- Apr 13, 2020
- 2 min read
Noong Abril 3, may ulat na binangga ng Chinese Coast Guard ang barkong pangisda ng Vietnam. Lumubog ang mas maliit na barko, ngunit sinagip naman ng Chinese Coast Guard ang mga mangingisda.
Mabuti naman at hindi nila inulit ang kanilang ginawa sa barkong pangisda ng Pilipinas noong isang taon kung saan iniwan lang ang mga mangingisdang Pinoy sa gitna ng malawak na dagat. Kung hindi sila sinaklolohan ng mga mangingisda mula sa Vietnam, baka nasawi silang lahat. Kaya, kasangga ng Pilipinas ang Vietnam sa pag-angat ng reklamo sa Beijing hinggil sa insidente.
Nakadidismayang habang abala ang buong mundo sa paglaban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), walang tigil naman ang China sa pangmamaton sa pinag-aagawang karagatan.
Samantala, ayon sa China, ang barkong pangisda ng Vietnam diumano ang dahilan kaya nabangga nila. Sa madaling salita, kasalanan pa ngayon ng Vietnam ang insidente.
Ganu’n? Gaano ito kaiba sa unang pahayag ng China kung saan sinisi ang “maraming barkong pangisda ng Pilipinas”, baka kuyugin sila kaya umalis na lang nang banggain ang Gem Vir 1? Tila handang-handa palagi ang pahayag ng China kapag may binanggang barko sa karagatan. Ang insidente ay naganap malapit sa Paracel Islands na parehong inaangkin ng Vietnam at China. Noong 1974 ay nagkaroon ng sagupaan para sa kontrol ng mga isla. Nanalo ang China, ngunit hindi naman nagpatinag ang Vietnam sa pag-aangkin.
Kaugnay nito, nagbabala ang Estados Unidos sa China na huwag samantalahin ang krisis para ipagpatuloy ang walang batayan na pag-aangkin sa buong karagatan. Pero kailan ba sila nakinig? At sino ang maniniwalang hindi sadyang binangga ng Chinese Coast Guard ang barkong pangisda ng Vietnam?
Ang masaklap, inaresto pa umano ang mga tripulante ng dalawang barkong pangisda ng Vietnam na nais sumaklolo sa kanila bago pinakawalan kinabukasan.
Tila dinaraan sa lakas at dahas ng Chinese Coast Guard ang pag-aangkin sa karagatan. Kahit may krisis pang nagaganap sa buong mundo, patuloy ang China sa kanilang walang batayan na pag-aangkin. Kailangan talaga ng panabla sa kanilang lakas-militar sa karagatan.





Comments