After ma-quarantine... Sen. Bong, nakagat ng aso, nagka-phobia
- Erlinda Rapadas
- Apr 12, 2020
- 3 min read
Erlinda Rapadas / Teka Nga
Isa si Yorme Isko Moreno sa mga naunang members ng programang That's Entertainment ni Kuya Germs (SLN). Kabilang siya sa Monday Group.
Super proud ang mga That's Entertainment members sa millennial mayor ng Maynila. Hindi nila akalain na magiging pulitiko ito at mauupong alkalde. Ipinagmamalaki nila na may narating ang isa sa mga miyembro ng That's Entertainment at ngayon na malaki ang problemang kinakaharap ni Yorme Isko sa pagbibigay ng ayuda sa mga mahihirap na Manileños, willing silang tumulong at mag-share ng kanilang makakayang itulong.
Pandagdag sa ipamamahaging relief goods ang balak na ibigay ng ilang miyembro ng That's Entertainment sa opisina ni Yorme Isko.
Kahit hindi naman direktang nanghihingi sa kanila si Yorme Isko, kusang-loob ang kanilang gagawin upang maipakita na ang mga bumubuo ng That's Entertainment ay nagkakaisa at nagtutulungan.
♥♥♥
After ma-quarantine…
Sen. Bong, nakagat ng aso, nagka-phobia

Pagkatapos ma-quarantine ng dalawang linggo, nakagat naman ng aso si Sen. Bong Revilla, Jr. nang siya ay dumalaw sa rest house ng kanyang ama sa Imus, Cavite.
Hindi niya sinasadyang maapakan ang alagang aso ng kanyang Daddy Ramon kaya siya ay kinagat. Agad naman siyang nagpa-injection ng anti-rabies.
Ngayon, dobleng-ingat at may phobia na si Sen. Bong kapag nakakakita ng aso. Ang ipinagpapasalamat na lang n'ya ay malakas na ang kanyang Daddy Ramon at wala nang lagnat.
Inaalagaan ito ng mga gamot na inireseta ng mga doktor niya sa St. Luke's at De La Salle. May private nurse rin si Don Ramon.
Sa edad ni Ramon Revilla, Sr. na 93, ilang beses na siyang nagkasakit at naospital. Pero, nananatili itong malakas at nakakapiling pa ang kanyang mga anak at apo.
Marami ang naniniwalang may taglay na agimat si Mang Ramon kaya hindi ito maigugupo ng anumang sakit at ipinagdarasal din siya lagi ng kanyang mga anak at apo.
♥♥♥
Toni at Alex, magpapamigay ng gatas sa mga apektado ng lockdown
Bukod sa pamimigay ng mga relief goods sa kanilang mga kababayan sa Taytay, may special project din ang magkapatid na Toni at Alex Gonzaga para sa mga nangangailangan ng gatas ngayong panahon ng Luzon lockdown.
Mamimigay sila ng libreng gatas (powdered milk) para sa mahihirap na bata na nangangailangan ng sustansiya habang naka-quarantine. Makipag-ugnayan lang daw sa kanilang magkapatid at ipapadala nila ang gatas sa mga nangangailangan.
Nagpapasalamat naman sina Toni at Alex sa mga kumpanyang nag-donate ng gatas para sa kanilang project.
♥♥♥
Maris, nawalan ng mga endorsements dahil sa pangmumura kay P-Digong
Lagot ngayon sa mga diehard supporters ni Pangulong Duterte sina Angelica Panganiban at Maris Racal dahil sila ang sinesentruhan ng mga bashers dahil sa masasakit na posts nila laban sa presidente.
May isang galit na galit na basher na tinawag pang balimbing si Angelica. Wala raw pala itong katiyakan o loyalty at sunod lang nang sunod kung ano ang napapanahong isyu upang mapansin lamang.
Si Maris naman, inayawan nang kuning product endorser dahil sa ginawa niyang pangmumura kay Pangulong Duterte.
Nagkaroon tuloy siya ng NEGA image kaya atras na ang mga kumukuha sa kanya.
♥♥♥
Tahimik nang nagtatrabaho ngayon si Pasig City Mayor Vico Sotto. Ayaw na niyang magkaroon pa ng isyu sa ginagawa niyang pagtulong sa mga frontliners, health workers at sa mahihirap na mamamayan ng Pasig. Pero patuloy pa rin siyang kumikilos upang makapagbigay-serbisyo.
Hindi kakapusin sa ayudang bigas ang Pasig. Maagang napaghandaan ito ni Mayor Vico. Enero pa lamang ay namili na ang Pasig City officials ng stocks ng bigas para gamitin sa panahon ng krisis at kalamidad.
Wala pa sa 'Pinas ang COVID-19 ay pinaghandaan na niya ito para maging maayos ang kanilang pagkilos sa Luzon lockdown.
♥♥♥
Hindi nakakaranas ng cabin fever (buryong) ang Kapuso star na si Kris Bernal kahit nasa bahay lang dahil sa ECQ (Enhanced Community Quarantine) na dapat sundin ngayong may COVID-19.
Marami siyang pinagkakaabalahang gawin at tuluy-tuloy pa rin ang kanyang online business, ang pagbebenta ng sariling cosmetics na marami nang tumatangkilik. At naisisingit na rin niya ang kanyang pag-e-exercise sa bahay ngayong hindi na niya magawang pumunta sa gym.
Alagang-alaga ni Kris ang kanyang figure dahil ito ang puhunan ng mga artistang tulad niya.





Comments