Pagpapatupad ng batas sa COVID-19 pandemic, higpitan para ‘di abusuhin at dedmahin
- Ryan B. Sison
- Apr 11, 2020
- 2 min read

Sa halip na simpatya, batikos ang natanggap ng isang curfew violator matapos mag-FB live habang sinisinta ng mga tanod sa lugar.
Maraming netizens ang nadismaya dahil sa halip na magpakumbaba dahil nagkamali, nangatwiran pa ito at nagalit sa mga sumita.
Base sa kumalat na videos sa social media, sinita ng mga tanod ang violator at mga kasama nito dahil alas-11:00 na ng gabi ay nasa labas pa at galing sa inuman.
Katwiran ng violator, pauwi na sila at nagpahinga lang kaya inabot nang alas-11:00 sa labas, gayundin, meron umano siyang facemask at quarantine pass, bagay na hindi dahilan para palampasin ang paglabag.
Nakakadismaya dahil kahit ilang linggo nang umiiral ang enhance community quarantine, pero tila hindi pa rin malinaw sa ilan kung ano ang mga dapat at hindi dapat gawin.
Marami nang nahuling lumabag sa curfew, pero ang dahilan nila ay para maghanap ng alternatibong pagkakakitaan sa gitna ng pandemya, pero kayong mga pasaway talaga, nakuha pang makipag-inuman.
May ilang lugar na nagpatupad ng liquor ban bilang pagsunod sa social distancing at maiwasan ang pagse-share ng baso na ginagamit, pero ano’ng ginagawa ninyo?
Ginagawa n’yo pang masama ‘yung mga taong nagtatrabaho nang maayos. Tsk!
Kapag sinita, makipag-usap kayo nang mahinahon at ‘wag kayong gumawa ng eksena dahil pinalalala n’yo lang ang sitwasyon.
Huwag ninyong balewalain ang pagsisikap ng mga kababayan natin para lang sa bisyo ninyo.
Para sa mga alagad ng batas, ‘wag kayong magdalawang-isip na sampolan ang mga pasaway na ‘yan para hindi tularan. Patunayan ninyong may ngipin ang batas at dapat itong sundin sa lahat ng pagkakataon at hindi kung kailan lang nila gusto.
Kung darami pa ang mga tulad ninyo na sakit sa ulo, baka tao na ang kalaban natin dito at hindi virus.
Malala na ang problemang kinakaharap natin kaya sana, ‘wag kayong maging dahilan para lalong dumami ang mga kababayan nating apektado.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments