Cash na tulong ng gobyerno pinag-awayan... Misis kinulong sa bahay, sinunog ni mister
- V. Reyes
- Apr 11, 2020
- 1 min read

Sugatan ang isang ginang gayundin ang kapitbahay nito makaraang sunugin ng kanyang mister ang sarili nilang bahay dahil umano sa away sa pera na ayuda ng gobyerno sa Barangay Bulata, Cauayan, Negros Occidental.
Tinukoy ni Cauayan Police Chief Maj. Lowell Garinganao ang 60-anyos na suspek na si Leodegario Cabalida na ikinulong sa bahay ang kanyang 58-taong gulang na misis saka sinunog.
Bago ito, nabatid sa pulisya na nagkaroon ng pagtatalo ang mag-asawa nang manghingi ang suspek ng pera na bahagi umano ng social amelioration ng pamahalaan ngunit hindi siya binigyan ng biktima.
Ayon pa kay Garinganao, tinangka ng kapitbahay ng mag-asawa na si Jay-r Bernardo, 50, na awatin ang suspek ngunit, siya ang nataga nito nang magsimulang mag-amok ang huli. Nagtamo ng taga sa kanang balikat si Bernardo.
Nakatakas mula sa nasusunog nilang bahay ang ginang matapos na sirain nito ang bubungan at piliting isiksik ang sarili palabas.
Gayunman, nagtamo siya ng second-degree burn sa mga kamay at ibabang bahagi ng katawan at ngayo'y ginagamot sa Cauayan District Hospital.
Narekober mula sa lugar ang bolo na ginamit ng suspek na nasa kustodiya na ng pulisya at nahaharap sa mga kasong arson, serious physical injury at paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.





Comments