top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Maymay, kaya biglang umaming friends lang sila ng ka-love team... Edward, buking na may non-showbiz

  • Nitz Miralles
  • Apr 7, 2020
  • 4 min read

Nitz Miralles / Bida

Nag-aaway ang mga fans nina Maymay Entrata at Edward Barber dahil may non-showbiz girlfriend daw ang young actor na Lexa ang pangalan at siya ang dahilan kung bakit naglabas ng open letter ang dalawa para ipaalam sa kanilang mga supporters na friends lang sila at magka-love team na walang romantic involvement or whatsoever.

Nagagalit ang mga fans ni Maymay kay Edward dahil sa open letter, lumabas na pinoprotektahan ng aktor ang kanyang GF.

Ginawa raw na tagalinis ni Edward si Maymay. Pero, ayaw pumayag ng mga fans ni Maymay sa sinasabing niloko raw ito ni Edward dahil never naghabol sa aktor o sa sinumang lalaki ang young actress.

O, 'di ba? May mga ganu’ng theory ang mga fans, samantalang sina Maymay at Edward, walang sinasabi.

Nang i-post nga nila ang open letter sa kani-kanyang Instagram (IG) account, hindi na sila nag-comment, pero pinuri sila sa pagiging totoo nila.

Nainis siguro ang mga fans na gustong mag-comment sa isyu dahil naka-set sa “comments on this post have been limited” ang comments box nila sa Instagram (IG).

♥♥♥

Sharon, ipinagsigawang ‘di niya inakalang magiging kaibihan si Vilma

Sanitation tents pala ang donation ni Sharon Cuneta sa #UniTentweStandPH campaign ni Angel Locsin at fiancé na si Neil Arce at ilang mga kaibigan.

Sabi ni Angel, ayaw ipabanggit ni Sharon ang kanyang pangalan, pero binanggit pa rin niya at dagdag pa niya, marami silang maise-setup na sanitation tents dahil kay Megastar.

“Masarap pala paminsan-minsan, nalalaman ng mga tao na mahal mo sila. (P.S. PAMINSAN-MINSAN lang ako pumapayag na banggitin ang name ko 'pag tumutulong... isa rito ay ang pagkakataong ito na malaman ng lahat ng ating mga frontliners na hindi lang sa social media marunong magpasalamat ang mga artistang tulad namin, kundi sa actual na pagtulong.

"Truly love and appreciate all of you, our heroes, our FRONTLINERS!” sey ni Mega.

Samantala, naging isyu sa mga fans ang pagpo-post ni Sharon ng Darna photo ni Marian Rivera kasama sila ni Angel at nasa gitna pa ang photo ni Sharon. Kung may bagay daw na nasa gitna ng photo ay siya ‘yun o kaya’y si Angel at hindi si Marian.

Kaya sinagot ni Sharon ang mga nagalit na fans (ang feeling namin, ang mga nag-react ay mga bashers ni Marian) ng… “PLEASE PO! Hindi importante ang billing dito o kung sino ang dapat sa gitna, etc.! May nagmagandang-loob lang po na pinagsama-sama kaming tatlo. Huwag na pong gawing issue at katuwaan lang po ito! Love you all! PEACE!!! Pray that God take away COVID-19 ASAP! O baka hinihintay niyang may matutunan pa ang iba sa atin. Lalo ang mga namumulitika pa sa ibang isyu.”

Para rin sa mga fans ni Vilma Santos na nagtanong kung bakit hindi niya isinama ang Darna photo nito, nag-post din si Sharon ng litrato ng Star for All Seasons at may kasama pang comment na “May mga nauna nang Darna sa kanya. Pero SIYA ang Darna na kinalakihan at minahal ko. Napaka-blessed ko lang na minahal din niya ako! 'Di ko akalaing magiging artista rin ako at makikilala at magiging kaibigan ko ang isa sa pinakaidolo ko.”

♥♥♥

Mukhang may competition sina Marian Rivera at Ai Ai delas Alas kung sino sa kanila ang mas maraming nabe-bake na bread habang naka-lockdown ang bansa.

Hindi nagpapahuli si Marian sa dami na ng nagawang iba’t ibang tinapay ni Ai Ai. Nagbiro pa nga ito na kapag lifted na ang lockdown, umorder sa kanya ng tinapay.

Si Marian, gumawa na ng pandesal at hazelnut brownies katulong ang anak na si Zia. Gumawa rin siya ng leche flan na aprubado raw nina Zia at Dingdong Dantes ang lasa.

Ang latest na ginawa ni Marian ay sausage roll at nilagyan pa ng linga yata ‘yun kaya ang sarap-sarap sa tingin pa lang.

Hindi problema nina Marian kung nagkakaubusan ng bread sa mga supermarket dahil kayang-kaya niyang gumawa ng iba’t ibang klase ng tinapay at may dessert pa.

♥♥♥

Kasama si Arnold Clavio sa mga sumasaludo sa mga frontliners na matapang na humaharap sa mga nagkakasakit ng COVID-19.

Nag-post si Arnold ng mga videos sa socmed na nagbigay ng special message na may panimulang, “Hindi ako ang idol!”

Kabilang sa mga Kapuso personalities na nakiisa kay Arnold ay sina Dingdong Dantes, Alden Richards, Lovi Poe, Derek Ramsay, Rocco Nacino, Tom Rodriguez, Aicelle Santos, Mark Bautista, Juancho Triviño, Joyce Pring at Gabby Concepcion.

Sinabi ng mga Kapuso artists sa video na hindi sila ang tunay na idolo, kundi mga health workers, sundalo at pulis, supermarket workers, delivery boys, security guards, janitors, garbage collectors, mga magsasaka, at maging ang mga journalists na nananatiling nasa labas ng bahay upang makapagserbisyo habang hinaharap ang hindi nakikitang kalaban.

Nanawagan sila sa publiko na sa pamamagitan ng hindi natin paglabas ng bahay, maililigtas natin ang buhay nila para naman patuloy din silang makapagligtas ng buhay.

Kung tutuusin, isa rin si Arnold sa mga frontliners dahil patuloy siyang nagbabalita sa DZBB at nagre-report sa Saksi.

May iGan Foundation pa siya na nangangalap ng donasyon para sa mga frontliners na nangangailangan ng protective supplies.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page