Howie Severino, Patient 2828 ng COVID-19
- Janice DS Navida
- Apr 7, 2020
- 2 min read

Nagulat ang marami sa pag-amin ng GMA-7 reporter-news personality na si Howie Severino na nabiktima pala siya ng Coronavirus Disease at tinawag nga niya ang sarili na Patient 2828, pero ngayon ay nakalabas na ng ospital at nagre-recover na sa bahay.
Sa artikulong isinulat mismo ni Howie at lumabas sa GMA News Online, ikinuwento ng TV reporter ang mga pinagdaanan niya sa loob ng siyam na araw sa ospital habang nakikipaglaban sa deadly virus.
Bagama't hindi binanggit ni Howie kung saan at paano niya nakuha ang virus o kung kanino siya nahawa, nagbigay naman siya ng tips at inspirasyon na hindi dapat katakutan ang sakit na ito, na tulad niya ay nalabanan at nalagpasan ang ilang araw na walang tulog at kung anu-anong karayom ang nakasaksak sa kanyang kamay.
Nabanggit din ni Howie sa kanyang article na kahit nasa hospital bed siya ay nakikipag-usap at nakikipag-meeting pa rin siya sa pamamagitan ng application na Zoom para manatiling updated sa mga kaganapan sa labas at sa kanyang pamilya.
Idiniin din ni Howie na malaking tulong ang pagiging transparent niya sa kanyang naging sakit dahil kung hindi raw niya agad sinabi sa kanyang mga kapitbahay at huli nang nalaman ng mga ito ay baka nagalit pa sa kanya.
Ikinuwento rin ni Howie na nang kumonsulta ang kanyang misis sa isang private nursing agency para sa dagdag na pagtutok sa kanyang kalagayan, sa 200 nurses, isa lang ang pumayag na umasiste sa kanya dahil sa hilig daw ng naturang nurse sa pagdodokumentaryo.
Pero ani Howie, hindi naman niya masisisi ang mga nurses na matakot din para sa kanilang sariling buhay kaya naiintindihan niya ang pinagdaraanan ng mga ito.
Ngayong naka-survive na nga si Howie sa pagiging biktima ng COVID-19 disease, inamin niyang handa siyang mag-donate ng dugo para magamit ang kanyang antibodies sa pagsugpo sa iba pang tinamaan ng infection.





Comments