top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Anak na si Janella, ipapapulis daw dahil sa rolling store… Ex-Sen. Jinggoy kay Mayor Zamora ng San J

  • Janice DS Navida
  • Apr 7, 2020
  • 4 min read

Nag-trending kahapon sa YouTube ang video ni former Senator Jinggoy Estrada kung saan galit na galit itong naglilitanya tungkol sa pagharang ni Mayor Francis Zamora ng San Juan sa rolling store ng kanyang anak na si Janella Ejercito na umiikot sa ilang barangay sa siyudad para mas maging madali para sa mga residente ang pagbili ng pagkain.

Sumbong ni ex-Sen. Jinggoy sa mga nanonood sa kanyang video, tumutulong na nga raw ang kanyang anak na si Janella (tumakbong mayor nu'ng nakaraang eleksiyon pero 'di pinalad na manalo), pinupulitika pa ng kasalukuyang alkalde at ipinahuhuli sa mga pulis ng San Juan.

Galit na litanya ni Sen. Jinggoy, "Pinapatigil mo 'yung rolling store ni Janella, 'yung mga tindera sa palengke, pinagsabihan mong 'wag sumama sa rolling store ni Janella, wala kang puso talaga, eh, wala kang puso. Ganyan ka ba kawalanghiya? Wala ka bang puso, ha?"

Nilinaw din ni ex-Sen. Jinggoy na wala siyang balak bumalik bilang mayor ng San Juan kaya siya nangangalap ngayon ng tulong mula sa mga kaibigan para ipamahagi sa kanilang mga kasiyudad.

"Hoy, tandaan mo, Mayor (Zamora), wala akong ambisyong bumalik bilang mayor dito sa San Juan, ha? Nakakapikon ka ha?" sabi pa ng dating senador na ngayon lang yata namin nakitang galit na galit.

Dagdag pa niya, "Tinatawagan mo pa 'yung mga kapitan, natatakot tuloy sa 'yo. Ang kapal ng mukha mo!

"Kung ipapahuli mo sa mga pulis ang rolling store ni Janella, bahala na ang taumbayan ang humusga sa 'yo. Kami, 'di mo kami mapipigilan sampu ng mga alipores mo."

May banta ring iniwan si Sen. Jinggoy sa nakaupong mayor ng San Juan kung patuloy silang pipigilan sa kanilang pagtulong, "'Pag ito, pinigil mo, ubos ka!

Tumutulong na nga sa mahihirap, ipapupulis pa? Napakawalanghiya!"

Kasunod nito ay nilinaw nga ni ex-Sen. Jinggoy na tuluy-tuloy pa rin ang rolling store ng kanyang anak kung saan ang good news pa niya, kalahati lang daw ng presyo ang halaga ng mga ibebenta sa rolling store.

So, kung ang halaga ng kilo ng manok sa palengke ay P220, mabibili raw ito sa rolling store ng P110 na lang bilang tulong ng kanilang pamilya sa mga taga-San Juan.

Pero dahil nga sa pangamba ng pagkakahawa-hawa ng COVID-19, may pakiusap din si Sen. Jinggoy na i-observe pa rin ng mga bibili sa rolling store ang social distancing at iwasan daw munang mag-shake hands at beso-beso.

***

Sen. Bong, may panawagan kay P-Du30 sa pamimigay ng relief goods sa mahihirap

MAY panawagan ngayon si Sen. Bong Revilla, Jr. kay Pangulong Rodrigo Duterte matapos ipag-utos ng pangulo sa Department of Finance na maghanap ng pondo para mas maraming mabigyan ng benepisyo sa Social Amelioration program ng gobyerno kaugnay pa rin ng pandemic na COVID-19.

Agree kami sa sinabi ni Sen. Bong na sa panahon ngayon, hindi lang naman ang mga "poorest of the poor" ang kumakalam ang sikmura, kaya lahat ng nagugutom dahil sa pansamantalang kawalan ng trabaho ay marapat lang na maabutan ng tulong.

Suggestion pa ni Sen. Bong, imbes daw dalawang waves ang pag-abot ng ayuda, tapusin muna ang initial wave kung saan lahat ay matiyak na mabibigyan ng tulong at walang maiiwan bago mai-release ang second wave para kumbaga, pantay-pantay sa lahat.

Ang nangyayari nga naman kasi, pinipili lang ang binibigyan ng relief goods.

Kadalasan, 'yung mga nasa middle class nga ang nagsasakripisyo dahil hindi naaabutan ng tulong ng pamahalaan sa katwirang may kakayahan namang makabili.

Well, sana nga ay maikonsidera ang suhestiyon na ito ni Sen. Bong dahil kawawa naman 'yung ibang hindi talaga naaabot ng tulong samantalang 'yung iba ay dalawa o tatlong beses nang nabibigyan.

***

HANGA kami sa kabutihan ng puso ng CEO ng Beautederm na si Ms. Rhea Ramos Anicoche Tan.

Nang maipatupad na nga ang enhanced community quarantine, hindi man hiningan ng tulong ng mga press people ang maganda at mabait na dating DJ-turned businesswoman, kusa itong nagpaabot ng tulong sa mga press sa pamamagitan ng kanyang PR man na si kapatid na Chuck Gomez.

Actually, ayaw talagang ipaalam ni Ms. Rei ang palihim niyang pagtulong sa mga press people, pero dahil naniniwala kaming sinsero ang kanyang puso ay karapat-dapat lang namang ilabas din ang mga ganitong kuwento dahil nakakahanga na hindi lang puro negosyo ang kanyang nasa isip kundi marunong talaga siyang dumamay sa mga nangangailangan sa oras ng kagipitan.

***

Isa pang kusang-loob na nagpaabot ng tulong sa mga manunulat sa entertainment industry ay si former Quezon City Mayor Herbert Bautista.

In fairness kay ex-Mayor Bistek, kahit wala na siya sa puwesto at balik-showbiz na uli ngayon, kapag oras ng kagipitan, hindi niya nakakalimutan ang mga taga-showbiz kaya kahit hindi pa hinihingan ng tulong ng mga manunulat, kusa na itong kumilos at nagpaabot ng tulong sa mga press people.

Hindi tuloy maiwasang maikumpara ng entertainment press si ex-Mayor Bistek kay Mayor Isko Moreno na bagama't parehong galing sa showbiz industry, mas sinsero raw ang pakikitungo ng dating QC mayor kesa sa mayor ngayon ng Maynila.

Kumalat din sa Facebook ang pagkukumpara naman kina Sen. Bong Revilla, Jr. at Mayor Isko na nang hingan ng tulong ng press people, ang senador ay agad nagpadala ng financial assistance samantalang ang mayor daw ng Maynila ay Bible quotes lang ang ipinadala sa text.

Well, ayaw naman naming husgahan agad si Mayor Isko, pero kung may pagpapahalaga pa rin siya sa mga press people na nakasama at tumulong sa kanya noong nagsisimula pa lang siya sa kanyang showbiz career hanggang nu'ng nangailangan siya ng tulong sa pagpasok niya sa pulitika, dapat siguro ay hindi niya ipagsawalang-bahala ang usaping ito.

Kung mabilis siyang umaksiyon sa Maynila, sana'y may panahon pa rin siya para lumingon sa kanyang pinanggalingan.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page