Hungarian swim World Champ tuloy ang ensayo kahit may COVID-19
- Eddie M. Paez, Jr.
- Apr 6, 2020
- 1 min read

Kumpirmadong kinapitan na ng Corona Virus o COVID-19 ang swimming world champion na si Boglarka Kapas ng Hungary pero hindi ito nagpapaawat at tuloy pa rin ang kanyang pagpapakundisyon sa pamamagitan ng dryland training.
Sa isang pahayag sa social media, sinabi ng 26-taong-gulang na babaeng kampeon sa 200 meter butterfly noong nakaraang 2019 World Championships na maayos ang kanyang pakiramdam.
"I still feel good. Training is also important during home quarantine, now instead of water, I pace on land, thus, also fighting the virus." Stationary biking ang isang paraan ng pagpapakundisyon ng manlalangoy na tumersera rin sa 800 meter freestyle noong 2016 Rio Olympics at nakahablot din ng tansong medalya sa 1500 meter freestyle noong 2015 World Championships.
Ang tubong Debrecen na si Kapas ay isa sa siyam na mga personalidad na bahagi ng Hungarian Swimming Federation o MUSZ, at positibo sa Corona Virus. Bukod kay Kapas, kasama rin sa talaan si Dominik Kozma, podium finisher sa World Cup at sa European Championships, David Horvath, Richard Bohus, Daniel Sos, Peter Nagy at Tamas Horvath. Lahat sila ay asymptomatic.
Comments