Sharon, ikinumpara kay Angel na todo-tulong, pumalag
- Nitz Miralles
- Apr 4, 2020
- 3 min read
Nitz Miralles / Bida

Makakalaya o baka nakalaya na ang 21 residents ng Sitio San Roque sa Quezon City na hinuli noong April 1 dahil nagprotesta na wala silang natatanggap na tulong (lalo na pagkain) mula sa local government. Hindi makapagtrabaho ang mga ama ng tahanan matapos ipagbawal dahil nga may lockdown sa Luzon.
Nang mabasa ni Frankie Pangilinan, anak nina Sen. Kiko Pangilinan at Sharon Cuneta, ang tweet ng aktibistang si Renato Reyes na ang mga inaresto ay makakalaya kung magpipiyansa ng P15,000 each, aniya, “I’ll sponsor one, please give the details."
Ang 20 residents, sina Sen. Kiko at Sharon na ang sasagot ng piyansa na aabot sa P300,000 lahat. Ito ay kung pare-parehong P15,000 ang piyansa ng bawat isa sa 21 kinasuhan.
Kaya, tama lang na mag-react si Sharon nang may basher na nag-comment na sana ay kagaya siya ni Angel Locsin na tumutulong sa panahon ng COVID-19. Pati si Sen. Kiko, kinuwestiyon ng basher kung ano raw ang naitutulong dahil wala silang nakikitang ipino-post nito.
♥♥♥
Roderick, ibinuking na mali-mali ang info sa Google
Ka-text namin kahapon si Roderick Paulate na aming binati sa kaarawan nito.
Nilinaw ni Dick na 58 years old pa lang siya at hindi 60 gaya ng aming naisulat.
“Hindi pa ako 60 years old, 58 years old pa lang, two years pa bago ako maging senior citizen at two years pa bago ako magkaroon ng senior citizen card,” sabi nito.
Sagot namin, sa Google namin nabasa na 59 years old na siya bago mag-April 4 kaya inakala naming senior na siya sa birthday niya kahapon. Kahit daw siya ay nagugulat din dahil tatlong magkakaiba ang entry sa Google ng kanyang edad.
Anyway, ito na ang pinakakakaibang birthday ni Dick dahil kahit magsimba, hindi niya nagawa dahil bawal lumabas ng bahay at sarado ang mga simbahan dahil sa ECQ na dulot ng COVID-19.
Ang birthday wish ni Dick, mawala na ang COVID-19, hindi na madagdagan ang bilang ng mga infected at fatalities at makahanap na ng gamot para sugpuin ang virus na buong mundo ang sinasalanta.
♥♥♥
Dingdong, tumulong para magkatrabaho ang mga tambay sa bahay dahil sa ECQ

Kabilang si Dingdong Dantes sa mga artistang tumutulong sa panahon ng COVID-19 at bukod sa pamimigay ng mga food packs katulong ang iba’t ibang organisasyon, tutulong din siya via YesPinoy Foundation na magbigay ng trabaho sa mga nasa bahay lang at naka-home quarantine.
Naka-post sa socmed account ni Dingdong na suportado nila ang #SanaOl campaign ng Jobstreet at Workabroad PH para makatulong sa mga kababayan na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 crisis.
Online jobs ito, puwede ang high school graduate at hindi kailangang may experience. Bisitahin lang ang link na bit.ly/SanaOlJobs or Jobstreet Philippines Facebook page.
Anyway, tuloy pa ring napapanood ang Amazing Earth every Sunday, after 24-Oras Weekend hosted by Dingdong. Ang episode na mapapanood this Sunday ay unang umere noong October 20, 2019. Tampok ang Pasig River na patuloy na nililinis.
Sa kanyang pagbisita sa Pasig River at sa kanyang adventure, sumali si Ash Ortega sa mga nag-fishing at may nakahuli ng malaking isda.
Ito rin ang episode na may interview si Dingdong kay Manila City Mayor Isko Moreno at natanong si Yorme sa Arroceros Park at bumisita rin sila sa Rizal Park kung saan nag-narrate ng mga segments ng Amazing Earth ang mister ni Marian Rivera.
♥♥♥
Fundraising project ni Matteo, naka P8.4 M na
Na-miss ng madlang pipol ang Hunks ng ASAP Natin 'To na kinabilangan nina Piolo Pascual, Diether Ocampo, Bernard Palanca, Carlos Agassi at Jericho Rosales dahil sa kanilang reunion sa One Voice Pilipinas na fundraising event initiated by Matteo Guidicelli.
Kasama ang kanilang reunion sa rason kung bakit maaga pa lang, umabot na sa P8.4 M ang nalikom nila na gagamitin sa mga naapektuhan ng COVID-19.
Nakakatuwa na ang daming fundraising ng mga celebrities para makatulong sa mga frontliners at sa lahat ng apektado ng COVID-19.
♥♥♥
Simula sa Monday (April 6), may bagong madaragdag sa primetime programming ng GMA-7. More reason para tumutok sa network para sunud-sunud na mapanood ang magagandang teleseryes.
Ibinalik ng network ang hit na Meant to Be na pinagbidahan nina Barbie Forteza, Jak Roberto, Ivan Dorschner, Addy Raj at Ken Chan sa direksiyon ni LA Madridejos.
Mapapanood ito mula 9:30 PM hanggang 10:15 PM after Kambal Karibal na airing mula 8:45 PM hanggang 9:30 PM.
Ang My Husband’s Lover ay mapapanood mula 10:15 PM hanggang 10:55 PM at susunod ang K-drama na The Last Empress na airing mula 10:55 PM hanggang 11:30 PM.





Comments