Dahil walang COVID-19 sa Burundi, tuloy ang football games
- MC
- Apr 2, 2020
- 2 min read

Kung ang lahat halos ng soccer game sa buong kontinente ng Africa ay suspendido na, ibahin ang sport na ito sa Burundi dahil patuloy pa rin itong idinaraos at dinaragsa ng fans, dahil wala pang naitatala ang Central African Country na may kaso ng coronavirus disease sa bansang ito.
Ang maliit na bansang may kabuuang sukat na 27,834 square km na mas malaki ng konti sa Maryland state ay isa sa ilang teritoryo sa mundo ang hindi pa nararating ng virus, pero sila rin ang bansang patuloy na dinadagsa ang soccer games.
Tuloy ang laro ng men’s President’s Cup at second division matches maging ang top tiers ng women’s football sa buong bansa kung saan marami ang nanonood.
Bagama't idinaraos ang mga laro na maraming tao, naroon pa rin sa kanila ang pangamba at paghahanda sakaling dayuhin na sila ng virus at alam na raw nila ang gagawin kung may isang magiging positibo.
Sila rin kasi ang unang bansa sa Africa na umapela sa Confederation of African Football na i-postpone ang Africa Cup of Nations qualifiers noong Marso at tinanggihan nila ang pagpasok ng Europe-based players para sa double-header game laban sa Mauritania.
“The measure is taken because of the 14 days quarantine required to enter Burundi after having been (in Europe),” ayon sa statement ng BFF website noong Marso 13.
Kaya mula noon, walang nagpositibo sa COVID-19 sa Burundi at ipinagbawal talaga nila ang pagpasok ng mga dayuhan sa kanilang teritoryo.
Tanging cargo planes ang pinapayagan na lumapag sa Bujumburi International Airport at kung may makapasok mang dayuhan ay agad itong ipapasok sa 2-weeks quarantine.
“I support the idea of respecting the measures that have already been taken, as there are no positive cases detected, nothing is preventing us from continuing our activities, including sports,” ani Lilliane Nshimirimana, President ng Association of Sports Journalists sa Burundi.





Comments