Kapag nagutom ang mga Pinoy, baka mawala ang takot sa COVID-19 at maglabasan sa bahay para maghanap
- Pabs Hernandez III
- Mar 31, 2020
- 2 min read
RITM, NAWALAN NG KREDIBILIDAD SA LABAN-BAWI NA RESULTA NG TEST KAY CONG. YAP—Isang araw matapos kumpirmahin ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na nagpositibo sa COVID-19 si ACT-CIS Partylist Rep. Eric Yap, binawi ito ng RITM at sinabing nagka-error ang kanilang data, dahil negatibo pala sa deadly virus ang kongresista.
Dahil sa paglaban-bawi ng RITM sa resulta ng pag-test nila kay Cong. Yap, nawalan tuloy sila (RITM) ng krediblidad, boom!
◘◘◘
ISANG LINGGO NA ANG SPECIAL POWER PERO ‘NGANGA’ PA RIN ANG NATIONAL GOV’T. SA PAGTULONG—Inaprub na ng Senado at Kamara ang Special Power ni P-Duterte noong March 24 para magamit ang mahigit P275 bilyong pang-ayuda sa mga apektadong mamamayan dulot ng enhance community quarantine, pero March 31 o isang linggo na ang nakalilipas ay wala pang natatanggap ang taumbayan na tulong-pinansiyal at pagkain mula sa national gov’t. kasi sa ngayon, pondo pa lang ng mga LGU at barangay ang nagagamit para sa pang-relief goods sa publiko.
Dapat tugunan na agad ng national gov’t. ang pangangailangan ng taumbayan kasi kapag naubos na ang pondo ng mga LGU at barangay at wala na silang maipantustos sa tsibog ng kanilang mga constituents, baka mawala na ang takot ng mamamayan sa virus at magsipaglabasan sa kanilang mga bahay para maghanap ng makakain, period!
◘◘◘
SABLAY ANG PHOTO OPS NA KUMAKAIN SI P-DUTERTE—Kung sinuman ang nag-advise kay P-Duterte na magpakuha ng litrato habang mag-isang kumakain sa kanyang kaarawan noong Sabado (March 28) ay sablay ‘yan!
Mistula pang tinatakam sa pagkain ng pangulo ang napakaraming Pinoy na nagugutom ngayon dulot ng krisis na dala ng coronavirus, boom!
◘◘◘
KAPAG PINOY, NAGLALAKAD MULA METRO MANILA HANGGANG PROBINSIYA, PERO ANG MGA CHINESE, DE-ESCORT PA NG MGA PARAK—Unfair sa mga Pinoy ang nabulgar na iniskortan ng dalawang pulis ang 22 Chinese Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) workers mula Maynila hanggang Cagayan.
Mantakin ninyo, mula nang pairalin ng Duterte gov’t. ang lockdown sa Luzon ay may mga naglabasan nang balita na may mga Pinoy na ilang araw naglakad mula Metro Manila pauwi sa kanilang mga probinsiya dahil wala nang masakyang public transport, tapos ang mga Chinese POGO workers na nakasakay sa dalawang van, de-escort pa ng mga parak para lang makarating sa Cagayan? Pwe!





Comments