Tulong ng gobyerno para sa mga maralitang walang pambili ng pagkain, iprayoridad!
- Pabs Hernandez III
- Mar 24, 2020
- 2 min read
MGA MAHIHIRAP, DAPAT TULUNGAN NG GOBYERNO PARA HINDI MAGUTOM SA PANAHON NG LOCKDOWN — Sa panahong may krisis sa bansa dulot ng coronavirus, isa sa mga dapat pagtuunan nang pansin ng gobyerno ay suplayan ng makakain ang mga mahihirap na dahil walang pambili ay hindi nakapag-imbak ng pagkain sa panahong may lockdown sa Metro Manila at Luzon.
Hindi malabong gumawa ng masama ang mga ito kapag nakaranas na ng gutom at nakikita na nilang umiiyak na sa gutom ang kanilang mga anak.
Kaya naman, ang dapat gawin ng pamahalaan ay tulungan ang mga ito upang may makain, period!
◘◘◘
MGA MARALITANG MAGKAKA-VIRUS, IPRAYORIDAD NA MAGAMOT — Nakakabuwisit ang balita na sangkaterbang pulitiko at gov’t. officials ang nagpa-COVID-19 test kahit wala naman silang sintomas, gayundin balita na tatlong mahirap na pasyenteng tinamaan ng virus sa Quezon City ang hindi in-admit sa ospital para gamutin.
Kapag nagka-special power na si P-Duterte, ang mga mahihirap na nagka-COVID 19 ang dapat bigyan ng prayoridad na magamot kasi kapag naramdaman ng mga maralita na pinababayaan sila ng gobyerno, baka puntahan ng mga ito ang mga pulitiko at gov’t. officials para hawaan ng virus, nakupo!
◘◘◘
WALANG CONG. ANG NAGSAKRIPISYO NG ‘PORK’ SA PANAHON NG CORONAVIRUS — Nagkaroon ng mahabang talakayan sa Kongreso tungkol sa hirit ng Palasyo na pagkalooban ng emergency power si P-Duterte para labanan ang coronavirus sa bansa.
Ang nakakainis sa isyung ito ay hindi tinalakay ng mga cong. na tanggalin ang kanilang mga “pork barrel” para maipandagdag-tulong sa mamamayan.
Ang tinalakay lang nila ay ang gagawing pag-reprogram, pag-reallocate at pag-realign ni P-Duterte sa mga pondo para i-convert sa pangangailangan ng mga Pinoy sa panahon ng coronavirus, buwisit!
◘◘◘
PARA HINDI MA-STRESS SA MGA NAGKA-COVID-19, THINK POSITIVE LANG — Nagbigay ng payo ang isang pasyenteng gumaling sa COVID-19 sa mga kapwa niya nagka-virus o sa mga posibleng tamaan ng coronavirus na iwasan daw mag-social sa panahong ginagamot sila para hindi ma-stress kapag nakakabasa ng hindi magandang balita tungkol sa virus.
Think positive lang daw at sure na matatalo nila ang virus at mabilis silang makakarekober sa tama ng COVID-19, boom!





Comments