Takbo nang takbo, sign na hindi takot sa tao kundi sa obligasyon na ‘di kayang gampanan
- Socrates Magnus
- Mar 24, 2020
- 1 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Loida ng Loida Angan na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Napanaginipan ko na takbo ako nang takbo at takot na takot ako dahil hinahabol ako ng mga taong hindi ko na kilala. Napagod ako sa katatakbo kaya naupo ako at namahinga, tapos biglang nawala lahat ng humahabol sa akin. Pagkatingala ko, nakita ko ang mapuputing ulap at paggising ko, hinihingal pa ako.
Ano ang ibig sabihin nitong panaginip ko?
Naghihintay,
Loida
Sa iyo Loida,
Una, kapag nagising ang nanaginip at siya tulad mo na hinihingal, ito ay senyales na siya ay maaaring may sakit sa puso o baga. Dahil dito, mas magandang kumonsulta ka sa tunay na doktor.
Ang panaginip na may humahabol at takbo ka nang takbo ay nagsasabing sa tunay na buhay, may kinatatakutan ka. Ang kinatatakutan sa ganitong panaginip ay hindi kapwa tao kundi ibang bagay. Madalas, ang kinatatakutan ay problema sa buhay o mga obligasyon na hindi kayang gampanan.
Gayuman, dahil ngayon ay may salot na kinatakutan ang mga tao na tinatawag na COVID-19, malamang na ito mismo ang iyong kinatatakutan. Kaya mabuting sumunod ka sa mga utos at payo ng mga awtoridad. Mas magandang maging masunurin ngayon kaysa sa matigas ng ulo.
Ang masayang balita sa panaginip mo ay ang nakita mo ang mapuputing ulap na ang ibig sabihin ay hindi mananaig ang kadiliman laban sa kaliwanagan.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo




Comments