top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Pakiusap ng DOH: ‘Wag magsinungaling sa mga impormasyon

  • Ryan B. Sison
  • Mar 24, 2020
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Habang patuloy na dumarami ang mga ordinaryong Pilipino na nagpopositibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), hindi maitatangging meron ding mga health workers na nahahawa na sa mga pasyente.

Kaugnay nito, muling nanawagan ang Department of Health (DOH) sa publiko na maging isandaang porsiyentong tapat sa pagbibigay ng impormasyon kapag nagpapasuri.

Ayon sa DOH, lahat ng impormasyon, partikular ang travel history ay mahalagang ma-disclose kapag nagpakonsulta dahil isa ito sa mga tinitingnan sa mga indibidwal na nakararanas ng sintomas ng COVID-19.

Sa UST Hospital naman, mahigit 500 staff ang isinailalim sa quarantine matapos ma-expose sa mga pasyenteng positibo o pinaghihinalaang may COVID-19.

Samantala, kamakailan, isang batang doktor ang nasawi dahil sa coronavirus makaraang magsinungaling ang pasyente nito tungkol sa travel history.

Nakakalungkot lang dahil nabawasan natin ang isa sa mga itinuturing nating bayani dahil sa pagiging iresponsable ng iba.

Kung patuloy na mangyayari ito, mataas ang tsansa na lalong dumami ang health workers na may sakiy at kapag nangyari ito, paano na ang mga pasyente?

Ginagawa ng health workers ang lahat ng kanilang makakaya para magampanan ang kanilang tungkulin kaya sana, gawin din natin ang ating makakaya para makatulong sa kanila.

Lahat ng impormasyong ibibigay natin ay mahalaga — buhay ninyo at ng mga health workers ang nakasalalay dito, kaya magsilbing paalala sana ito sa ating lahat na kailangan nating magtulungan sa kahit anong paraan.

‘Yung pagiging tapat sa impormasyon, napakalaking bagay na. ‘Wag na kayong magpaliguy-ligoy pa dahil narIyan sila para tulungan kayo at hindi husgahan o sermonan.

Kasabay ng pagiging tapat, maging masurin din tayo sa kanila dahil sila ang may alam kung ano ang nakasasama sa atin o hindi.

Virus ang kalaban natin dito kaya panawagan sa lahat, magtulungan tayo.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page