top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Kahit puro kaplastikan ang mundo... True love, makikilala kung magpapakatotoo sa sarili

  • Maestro Honorio Ong
  • Mar 24, 2020
  • 2 min read

Dear Maestro,

Naisipan kong sumangguni sa inyo upang itanong kung sa palagay ninyo, totoo bang may forever, kumbaga, totoo bang may tunay at wagas na pag-ibig? Kasi simula’t sapol, hindi ko pa ito natatagpuan o nararanasan, gayung mabait at mapagmahal naman akong tao. Naranasan ko na ring magka-boyfriend at magmahal, pero palagi akong naloloko at iniiwanan ng mga nagiging boyfriend ko.

Kung totoong may tunay at wagas na pag-ibig, kailan kaya ito darating sa aking buhay? October 3, 1992 ang birthday ko.

Umaasa,

Ms. Libra ng Dinahican, Infanta, Quezon

Dear Ms. Libra,

Sabi nga nila, “walang forever” at dahil walang forever na pagsasama o relasyon, ito ang nagiging dahilan kung bakit madalas nasasaktan, nabibigo at lumuluha ang taong nagmamahal. Kahit ‘yung mga lolo at lola natin na tapat na nag-iibigan at nagmahalan, darating ang panahong magkakahiwalay din sila dahil siguradong paglipas ng maraming mga taon, kapag amoy lupa na sila, kusa rin silang paghihiwalayin ng kamatayan.

Kaya lang, ang maganda sa kasaysayan ng mga lolo at lola na umibig nang tapat at dalisay, bago sila pinaghiwalay ng tadhana, matandang-matanda na sila, nagka-anak at nagkaapo na rin sila sa tuhod. Kaya tulad nasabi na, totoong may tunay at wagas na pag-ibig, pero bihirang-bihira lamang ang pinagpapala ng tadhana na makasumpong nito. Ang mas madalas at pangkaraniwang nangyayari ay ang sandaling nagmamahalan, ngunit matapos ng maikling panahon ay nagkakahiwalay din sila at kapag dumating na ang paghihiwalay, upang mabawasan ang sakit at kalungkutang nadarama, sa kasalukuyang panahon, binibigkas na lang nila ang mga salitang “walang forever!”

Sa dagdag pang paliwanag, tulad ng nasabi na, Ms. Libra, totoo na mayroong tunay at dalisay na pag-ibig, pero ang masakit na katotohanan ay ang tao ang hindi dalisay, mapagkuwari at hindi tapat.

Tama, tunay ngang ang pag-ibig ay maganda, tapat at dalisay, kaya lang, ang hindi tunay ay ang taong nagmamahal, manloloko, nagkukuwanring umiibig at ang may marumi at masamang puso ay ang taong hindi dalisay at malinis kung magmahal. Dahil sa mapag-imbot at makasariling saloobin ng tao, ang magandang kahulugan ng salitang pag-ibig ay pumapangit at nabababoy.

Subalit kung ang tao ay magiging tapat sa kanyang sarili o aalisin ang pag-iimbot sa kapwa at ang pagiging makasarili, kusa niyang mahihigop o maaakit ang tunay, dalisay at wagas na pag-ibig.

Ganu’n ‘yun! Kaya para makatagpo ka ng tunay na pag-ibig sa mundong ito na punumpuno ng kaplastikan, kailangang matagpuan mo ang tapat at tunay ding lalaki. Kusa mong matatagpuan ang tapat at tunay na lalaki o babae kung magiging tapat at tunay ka rin sa iyong sarili.

Tandaan, ang lahat ng relasyon ay maganda, ang nakikipagrelasyon lang ang parehong pangit kaya hindi nagiging successful at pang-forever ang pag-ibig.

Habang, ayon sa iyong Love Calendar, Ms. Libra, ngayong 2020, pagkatapos ng problema sa COVID-19, sa edad mong 28, magwawakas na rin ang mga pagkabigo at kasiphayuan mo sa pag-ibig, isang lalaking isinilang sa zodiac sign na Aquarius ang darating at tulad ng iyong inaasahan at matagal nang kinasasabikan, iibigin ka niya nang tapat upang ang nasabing relasyon ay tuluyan na ring humantong sa wagas at panghabambuhay ng pagmamahalan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page