Hirit ng netizen: Pagdo-donate ni Kris, pakitang-tao lang dahil itina-tag sa post ang mga BFF na pul
- Nitz Miralles
- Mar 24, 2020
- 3 min read

Nitz Miralles / Bida
May mga tao talaga na walang nakikitang maganda sa iba kahit tumutulong na, hinahanapan pa rin ng kakulangan at mali. Isa sa mga madalas maging biktima nito ay si Kris Aquino.
Nag-donate siya ng 12 sacks of rice sa Puerto Galera na dinagdagan niya at ginawang 25 sacks para ipamigay sa mga tricycle drivers na nawalan ng hanapbuhay dahil sa COVID-19. Sukat ba namang may nag-comment ng 12 sacks of rice lang ang donation ni Kris sa dami raw ng nakuha ng pamilya nito?
Sagot naman ni Kris, “Prove na may ‘nakuha’ kami, here we go again...”
May nag-comment naman na kaya raw naba-bash pa rin si Kris kahit tumutulong na ay dahil pakitang-tao lang ang ginagawa nito dahil itina-tag niya ang mga kaibigan niyang pulitiko.
Buwelta naman ni Kris: “What are you talking about? I am tired of shutting up when stepped on for doing good from my own hard-earned money... Bakit ko kailangang magpakitang-tao? I am not an elected or appointed official. Tumulong ako from my heart, na obviously, missing sa ‘yo dahil wala sa lugar ang comment mo.”
Sa dami ng dumepensa kay Kris, hindi na nakasagot pa ang basher.
Actually, 100 sacks of rice sana ang gusto niyang i-donate sa mga taga-Puerto Galera, hindi lang siya makapag-withdraw ng malaking halaga dahil malayo ang bangko sa lugar nila.
***
PANCHO, TUWANG-TUWA NA BABY BOY ANG UNANG ANAK NILA NI MAX
BABY boy ang ipinagbubuntis ni Max Collins at nalaman ito sa naganap na gender reveal na dinaluhan ng mga friends nila ng asawang si Pancho Magno. Lalong na-excite si Pancho dahil ang panganay nila ni Max ay lalaki kaagad.
Pinansin lang ng netizen na pumayat si Max at malaki ang eyebags. Baka raw nahihirapan itong maglihi. Pero sa mga interviews sa kanya, walang binabanggit si Max na hirap siyang magbuntis.
Ang iba naman, naiinggit dahil wala pa ring baby bump si Max kahit 20 weeks na siyang buntis. Kailan daw ba lalaki ang kanyang tiyan?
In fairness sa Instagram (IG) account niya, ipinakita ni Max ang paglaki ng kanyang tiyan. Gusto lang yata ng mga netizens na maging mas malaki pa ang kanyang baby bump.
***
UNANG HIRIT, STOP ANG AIRING DAHIL SA COVID-19
MAY advisory ang GMA-7 tungkol sa morning show nilang Unang Hirit at kung bakit hindi muna mapapanood ang programa.
Anila, “Mga Kapuso, pansamantala po munang hindi mapapanood ang UNANG HIRIT kasunod ng Enhanced Community Quarantine.
“Bisitahin ang Unang Hirit social media accounts at tutukan ang GMA, GMA News TV at DZBB para sa mga pinakabagong balita at mahalagang impormasyon kontra COVID-19.
“Dasal po namin ang kaligtasan ninyo at ng inyong mga mahal sa buhay, mga Kapuso!”
Dagdag ni Arnold Clavio, lagi silang subaybayan sa Unang Hirit online edition dahil tuluy-tuloy pa rin ang pagbibigay nila ng balita at paghahatid ng serbisyong totoo.
***
MARIEL, TODO-TANGGOL KAY BOYET NA VIP DAW SA COVID-19 TESTING
IBINALITA ni Lolit Solis na na-discharge na sa hospital si Christopher de Leon at pinauwi na sa bahay. Pero kahit wala na sa ospital, kailangan pa rin ni Boyet na magpa-quarantine for 14 more days.
Sa tanong kay Lolit kung clear na sa virus si Boyet, aniya, may virus pa ang aktor dahil may sipon pa, pero maganda ang recovery signs nito kaya pinauwi, pero dapat naka-quarantine pa rin.
As for Sandy Andolong, negative for COVID-19 ang asawa ni Boyet kaya nabawasan ng malaking problema ang aktor. Nabahala si Boyet kay Sandy at sa immune system nito dahil dumaan ito sa kidney transplant at nagpapalakas pa rin.
Kahapon, lumabas ang pagdedepensa ni Mariel de Leon, anak nina Boyet at Sandy sa isyung isa si Boyet sa mga VIP at binigyan ng priority para ma-test agad ng COVID-19.
Ikinuwento ni Mariel na gaya sa ibang nagpa-test, pumila rin ang ama niya nang ilang oras dahil naubos ang test kits.
Masaya si Mariel na nakalabas na ng hospital ang ama at ang nanay naman niya ay negative sa COVID-19. Ang dapat na lang gawin ni Boyet habang naka-quarantine ay magpalakas at ganu’n din si Sandy. Pareho pa namang may teleserye ang mag-asawa.
Si Boyet ay kasama sa Love Thy Woman ng ABS-CBN at si Sandy, nasa cast ng First Yaya ng GMA-7 at gumaganap na ina ni Marian Rivera. Nakapag-taping na ang aktres, magkaeksena pa sila ni Marian bago ipatigil ang taping at isailalim ang Metro Manila sa enhanced community quarantine.





Comments