Mga karapatan ng babaeng manggagawa
- Persida Acosta
- Mar 22, 2020
- 2 min read
Tuwing Marso kada taon ay ipinagdiriwang natin ang Women’s Month. Ito ay bilang pagbibigay pugay sa kababaihang may kani-kanyang tungkulin sa pamayanan.
Itinuturing ang mga babaeng manggagawa na kabilang sa mga espesyal na grupo ng mga manggagawa ayon sa Labor Code.
Ito ay dahil sila ay may kakaibang kalagayan kaysa sa kalalakihang manggagawa. Kaya naman, bukod sa mga parehong karapatan na mayroon sila tulad ng kalalakihan, binibigyan ang mga babaeng manggagawa ng karagdagang karapatan tulad ng mga nakasaad sa sumusunod na talata.
Para sa mga babaeng manggagawa, maliban sa mga nasa pamahalaan, mga tagasilbi at empleyado sa mga korporasyong pag-aari at pinangangasiwaan ng pamahalaan, sila ay hindi hinahayaang magtrabaho ng may sahod o wala sa mga industriya o pagawaan sa pagitan ng alas-10:00 ng gabi hanggang alas-6:00 ng umaga ng susunod na araw. Kung sila naman ay nagtatrabaho sa agrikultural na uri ng trabaho, sila ay hindi pinapayagang magtrabaho sa pagitan ng alas-10:00 ng gabi hanggang alas-6:00 ng umaga o alas-12: 00 ng hatinggabi hanggang alas-00 ng umaga ng susunod na araw maliban na lamang kung sila ay mabigyan ng pahinga ng hindi bababa sa siyam (9) na oras.
Ang babaeng manggagawa na nabuntis ay may karapatang magkaroon ng maternity leave benefits. Kailangan lamang na siya ay nakapagtrabaho ng anim (6) na buwan para sa nakaraang labing-dalawang (12) buwan.
Mariing ipinagbabawal din ng batas na ang employer ay gumawa ng mga aksiyong maituturing na diskriminasyon para sa kababaihan nang dahil lamang sa kanilang kasarian. Ilan sa mga uri ng diskriminasyon ay ang mga sumusunod:
Pagbabayad ng mas mababang suweldo at benepisyo para sa kababaihan kumpara sa kalalakihang empleyado kung ang trabaho ay pantay lamang na ginagawa ng babae at lalaki;
Pagbibigay ng pabor sa lalaking empleyado, tulad ng pagbibigay ng promosyon, pagdadalubhasa at scholarship nang dahil lamang sa kanilang kasarian at
Bawal din para sa mga employers na gawing kondisyon para makapagtrabaho o makapagpatuloy sa pagtatrabaho ang babaeng empleyado na siya ay hindi mag-aasawa at kung siya ay nag-asawa na habang nagtatrabaho ay siya ay ituturing nang dismissed o tanggal sa trabaho.
Ayon sa Article 137 ng Labor Code, labag sa batas ang anumang gawain ng employer na:
Ipagkait sa babaeng empleyado ang mga benepisyong ibinibigay sa kanya ng batas para sa kadahilanang ayaw ng employer na magkaroon siya ng mga nasabing benepisyo;
Tanggalin ang babaeng empleyado dahil siya ay buntis o habang siya ay nakabakasyon dahil sa kanyang pagbubuntis at
Pagtanggal o hindi pagtanggap ng empleyadong babae na nanganak sa pangamba na siya ay mabuntis muli.
Comentarios