Bulkang Taal, ibinaba na sa Alert Level 1
- V. Reyes
- Mar 19, 2020
- 1 min read

Ibinaba na sa Alert Level 1 (abnormal) ang sitwasyon sa Bulkang Taal sa Batangas makaraan ang ilang linggo na mababa ang mga aktibidad nito.
Huling ibinaba ang Alert Level 2 (decreased unrest) noong Pebrero 14 at ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), halos wala ng naitatalang volcanic earthquake at pagbuga ng steam o usok.
"Taal Volcano's condition in the succeeding four (4) weeks after step-down to Alert Level 2 on 14 February 2020 has been characterized by low-level volcanic earthquake activity, stabilizing ground deformation of the Taal Caldera and Taal Volcano Island (TVI) edifices and weak surface activity at the Main Crater and the Daang Kastila fissure," saad ng Taal Volcano bulletin.
Ayon sa Phivolcs, nakapagtatala ang Taal Volcano Network ng malaking porsiyento ng pagbaba ng mga pagyanig sa bulkan na mula sa dating 141 volcanic quakes araw-araw simula noong Enero 16 hanggang Pebrero 14 ay naging 31 na lang ito mula Pebrero 14 hanggang ngayong araw.
Sa kabila nito, nagbabala ang Phivolcs sa publiko sa posibilidad na magkaroon ng biglaang phreatic explosions, volcanic earthquakes, ashfall o mapanganib na pagbuga ng volcanic gas na delikado sa mga nasa loob ng isla.
Inirerekomenda ng Phivolcs ang mahigpit na pagbabawal sa volcano island na isang permanent danger zone lalo na sa bisinidad ng main crater at sa Daang Kastila.




Comments