3 World Billiard Events, hindi na matutuloy
- Eddie M. Paez, Jr.
- Mar 18, 2020
- 2 min read

Patuloy pa rin sa paghaba ang listahan ng mga malalaking sports events na naaapektuhan ng Corona Virus o COVID-19 at ngayon ay tinumbok naman nito ang tatlong de-kalibreng paligsahan ng billiards na nakasalang ngayong Marso at Abril sa Estados Unidos.
Ipinahayag ng nag-oorganisang Cue Sports International o CSI na hindi na itutuloy ang Predator World 10-Ball Championships sa Rio Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada. Ang kompetisyon ay nakatakdang tumulak ngayong linggong ito pero ayon sa mensahe ng CSI ay see you next year (Marso 8 hanggang 12) na lang.
Dahil dito, nawalan ng pag-asa sina Carlo ”Black Tiger” Biado, Johann ”Bad Koi” Chua, Jefrey De Luna, Zorren James ”Dodong Diamond” Aranas, Jeffrey Ignacio at Alex ”The Lion” Pagulayan na makasikwat ng isang world title sa 10-Ball. Sina Biado, Chua at Pagulayan ay 12th, 13th at 14th seeds sa bakbakan ayon sa pagkakasunod-sunod. Si Aranas naman ay may umuusok na tako dahil sa pagiging kampeon kamakailan sa Scotty Townsend 9-Ball Memorial sa Los Angeles at pagiging runner-up noong nakaraang lingo sa malupit na Diamond Las Vegas 10-Ball Open . Sa larangang ito ng bilyar, dalawang beses nang naging world champion ang Cebuanang si Rubilen “Bingkay” Amit pero ni minsan ay wala pang Pinoy na nakakasampa sa trono ng 10-Ball.
Wala na rin sa kalenderyo ang World Pool Billiards Association (WPA) Players’ Championships sa Griff’s Bar and Billiards sa Las Vegas pa rin. Sa Abril 7 hanggang 11 nakatakda ang kompetisyon kung saan naging segunda si Biado noong 2019 sa likod ng Taiwanese na si Kevin Chang. Natanggal na rin sa eksena ang prestihiyosong US Open Pool Championships na masasaksihan sana sa Mandalay Bay Hotel sa Nevada pa rin simula Abril 13 hanggang 18.








Comments