Nagpapakalat ng fake news, humanda na kayo!
- Ryan B. Sison
- Mar 17, 2020
- 2 min read

Habang patuloy na dumarami ang bilang ng mga nagpositibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), dumarami rin ang mga kababayan nating concerned sa kalusugan kaya todo-ingat at sumusunod sa mga payo at utos ng gobyerno.
Sa kabilang banda, meron pa ring pasaway at wa’ paki sa ibang tao basta magawa ang gustong gawin.
Sa kulungan ang bagsak ng 43-anyos na lalaki matapos magpakalat sa social media na tinamaan umano siya ng COVID-19.
Nagdulot ito ng panic sa kanilang barangay sa Makati City at ikinagulat ng barangay chairman nang kumalat ang balita hinggil sa pagkakaroon ng kaso sa kanyang nasasakupan.
Ipinakita pa ng mga kapitbahay ang Facebook post ng live-in partner ng suspek na nagsasabing nasa St. Luke’s Hospital ito at positibo sa nasabing sakit.
Dahil dito, pinuntahan ng Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) at mga pulis ang bahay ng suspek para beripikahin, ngunit, nadatnan ito na umiinom ng alak sa kuwarto.
Nahirapan pang isakay sa rescue van ang suspek at tinangkang saktan ang kagawad nang kunan ito ng litrato.
Tumayong complainant ang live-in partner nito laban sa kanya dahil hindi niya alam na ginamit ng suspek ang kanyang FB account sa pagpo-post at pakikipag-chat sa kanyang mga kaibigan, kapitbahay, kaanak at katrabaho.
Takot umano sa suspek ang mga kapitbahay dahil kilala ito bilang pulis, ngunit, nagpapanggap lang ito, gayundin, nakumpirma na may rekord ito ng reklamo dahil sa pananakit sa live-in partner at anak nito, habang kilala na siya ng mga rumespondeng pulis dahil sa pagiging siga.
Magsilbi sana itong babala at aral sa atin na walang maidudulot na maganda ang pagpapakalat ng maling impormasyon.
‘Yung iba, gusto lang magbigay-babala sa publiko, pero hindi ito ang nangyayari dahil nauunahan ng panic, lalo na kung maling impormasyon ang naibahagi.
At alam n’yo na ngang mabilis mag-panic ang publiko, sige pa rin kayo sa pagpapasaway at pagpapasikat. Oh, ayan, sikat na kayo, pero hindi dahil sa magandang gawain kundi dahil sa kahihiyan.
Ano ba ang nakukuha ninyo rito at gustung-gusto ninyong magpapansin? Makatutulong ba ‘yan para malutas ang problema natin?
Kung wala kayong magawa sa buhay ninyo, ‘wag n’yo nang planuhin na dumagdag pa sa problema dahil may kalalagyan kayo.
Paulit-ulit nating sinasabi na maging bahagi tayo ng solusyon at ‘wag maging sakit sa ulo kaya sana naman, matuto na kayo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments