Qatar Football League, ililipat ang opening ng liga sa Abril
- A. Servinio
- Mar 16, 2020
- 1 min read

Pansamantalang maghihintay muna ang mga sumusubaybay sa Qatar Airways Philippines Football League (PFL). Magkasamang inihayag noong isang araw ng PFL at ng Philippine Football Federation (PFF) na ililipat ang pagbukas ng ikaapat na taon ng liga sa Abril 18, 2020 bunga ng patuloy na banta ng coronavirus.
Sa Marso 21 dapat ang orihinal na petsa ng simula ng PFL. Anim na koponan ang magtatagisan sa pangunguna ng defending champion Ceres Negros na hahanapin ang kanilang ikaapat na sunod na kampeonato.
Ang limang hahamon para sa korona ng Busmen ay ang Kaya Iloilo, Stallion Laguna, Global, Mendiola 1991 at ang pinakabagong kasapi na Azkals Developmental Team. Ang Ceres din ang kampeon sa pangalawang edisyon ng Copa Paulino Alcantara na ginanap pagkatapos ng PFL 2019.
Ang tatanghaling kampeon ng PFL 2020 ay makakalahok agad sa group stages ng mas pinalawig na 2021 AFC Champions League, ang pinakamalaking torneo sa buong Asya. Magandang pagbabago ito kumpara sa nakaraang taon kung saan dapat ay dumaan muna sa playoff ang mga koponang Pinoy.
Bago magbukas ang PFL, laman ng balita ang mahusay na ipinapakita ng Ceres at Kaya sa 2020 AFC Cup kontra sa mga kampeon ng ibang mga bansa sa Timog Silangang Asya. Parehong hindi pa nakalalasap ng talo ang dalawa at sila rin ang maagang paborito na maghari sa PFL.
Hindi rin magpapahuli ang Stallion, Global at Mendiola at nagpapalakas din sila ng koponan. Malaki rin ang inaasahan sa ADT na karamihan ay mga kumatawan sa Pilipinas sa nakaraang 30th Southeast Asian Games.





Comments