Curfew kontra-COVID-19, pag-iingat lang, ‘di Martial Law, sana 'wag maabuso
- Editoryal
- Mar 15, 2020
- 1 min read
Ngayong araw ang simula ng pagpapatupad ng community quarantine sa buong Metro Manila kaugnay ng patuloy na pagkalat ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Kasabay nito ay ipatutupad naman ang curfew mula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling-araw.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), matatapos ito hanggang sa Abril 14, na ang layunin ay para umano maproteksiyunan ang lahat mula sa COVID-19.
Linawin natin, hindi kasama sa curfew ang mga nagtatrabaho o bibili ng mga pagkain.
Kaya kung walang importanteng pakay o dahilan ng paglabas, manatili na lamang sa bahay. Tigilan muna ang katatambay at kararampa. At imbes na maghapong nakadutdot sa gadget, maglinis ng bahay, baka naman nand’yan lang din sa paligid ninyo ang virus, eh, wa’ ‘wenta ang ipinatutupad na quarantine kung hindi kayo maglilinis.
Sa totoo lang, mahirap ang ganitong sitwasyon, limitado ang ating mga kilos at apektado ang maraming gawain, pero kung ito ang makabubuti para sa lahat, mas mabuting sumunod na lang.
Samantala, sa nabanggit nating curfew, ang pakiusap sana natin sa mga alagad ng batas ay maging mapagmatiyag din laban sa ibang elemento na maaaring pumasok sa kanilang hanay at magdulot ng karahasan.
May iba tayong kababayan na hindi komportable sa ‘curfew’. Pakiramdam nila ay magma-Martial Law at dito na magsisimula ang takot at gulo.
Ipaunawa at ipakita sana natin sa publiko na ito ay pag-iingat lamang laban sa kumakalat na sakit at hindi pagsiil sa kalayaan.





Comments