top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Isinilang sa Year of the Earth Ox, yayaman pero mananakawan

  • Maestro Honorio Ong
  • Mar 5, 2020
  • 3 min read

Bulgar Horoscope

Ituloy natin ang pag-aanalisa sa magiging kapalaran nilang mga isinilang sa animal sign na Ox o Baka ngayong 2020.

Kung ikaw ay Ox na isinilang noong 2009, ikaw ay tatawaging Earth Ox kung saan ngayong 2020, tuluy-tuloy ang magaganda mong karanasan, higit lalo sa pagiging malikhain at mapagsaliksik. Nakatakda ka ring tumanggap ng iba’t ibang pagkilala at karangalan. Ituon mong mabuti ang oras mo sa pagpapaunlad ng personalidad at pagsunod sa mga taong nakatataas sa iyo upang sa ganyang paraan, mas marami pang suwerte at magagandang kapalaran ang darating sa buhay mo. Kung ikaw ay Ox na isinilang noong 1949, ikaw din ay tatawaging Earth Ox kung saan sinasabing tuluy-tuloy ang dating ng suwerte sa iyong buhay, higit lalo sa mga bagay na may kaugnayan sa salapi at pagyaman. Ang problema nga lang, ikaw ay mananakawan o makukupitan o mauumitan ng ilan sa iyong akala mong matatapat na mga tauhan.

Kaya kahit na ubod ka ng yaman o may mga nata-tago kang salapi at kabuhayan, ito ay dapat mong ilihim. Maging maingat ka rin sa paglabas-labas ng bahay at sa mga bawal na pagkain upang mapanatili mo ang iyong kalusugan. Sinasabi ring dagdagan mo ang pagpapasensiya at pag-unawa sa mga taong nakasasalamuha mo upang maiwasan ang hindi sinasadyang alitan. Tunay ngang kung paano mo pagpapasensiyahan at uunawain ang iyong kapwa, doon din nakasalalay ang iyong kalusugan at habambuhay na kaligayahan ngayong buong 2020.

Kung ikaw ay Ox na isinilang noong 1997, ikaw ay tatawaging Fire Ox. Hawakan mong mabuti ang iyong emosyon o damdamin dahil d’yan nakasalalay ang iyong ikaliligaya at ikatatagumpay. Kapag palaging mainit ang ulo mo at mabilis magpasya, maaaring mapahamak ka, pero kung aanalisahin mo munang mabuti ang sitwasyon bago ka magdesisyon at mag-react, walang dahilan upang hindi ka magtagumpay at maging maligaya ngayong 2020, lalo na sa pag-ibig at career.

May mga oportunidad din ng paglalakbay na mabubuksan na dapat mong sunggaban dahil mas mainam na hangga’t bata ka pa ay maranasan mo nang makapunta sa iba’t ibang lugar na magiging daan upang lalo pang lumawak ang iyong personalidad.

Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, may mga bugso ng damdamin o pagkahaling kang mararamdaman, puwede mo itong i-entertain, pero hindi ka dapat sobrang mahaling o mahangal. Kumbaga, sa isang babaeng nagmamahal, ‘wag mong isuko ang lahat, sa halip, magtira ka para sa iyong sarili at para sa iyong kinabukasan.

Sapagkat tulad ng nasabi na, ngayong buong taong ito ng 2020, maraming masasaya at mabibilis na karanasan sa pag-ibig ang lulutang at magaganap at ang dulong hantungan nito kung mananatili ba ang saya at sarap ay tulad ng nasabi na, kung gaano ka kahusay at kagaling humawak ng iyong damdamin. Tandaang kapag naging matalino ka sa anumang gagawing pagpapasya, ang ligaya at magandang kapalaran ay mananatili sa iyong buhay ngayong buong taong ito ng 2020.

Kung ikaw naman ay Ox na isinilang noong 1937, ikaw ay tatawagin ding Fire Ox kung saan sa mga panahong ito ng iyong buhay, ang pinakamabuti mong magagawa ay i-enjoy ito sa pamamagitan ng pagtulong sa kapwa at dagdag pang pag-e-exercise.

Puwede rin namang magtanim-tanim sa likod-bahay o kung saan man may bakanteng lupa at puwede rin sa mga paso o maliliit na lugar na puwedeng taniman ng mga halaman.

Gayundin, ingatan mo ang iyong kalusugan sa pamamagitan ng regular na pagpapa-check-up at pag-inom ng iyong mga gamot o maintenance. Upang masigurado ang masaya at masarap na pakiramdam sa buong taon, panatilihin mo ang pagiging mahinahon at iwasang magalit.

Mas mainam din kung lalo pang pag-aalabin ang pagmamahal sa mga taong nakapaligid sa iyo na sadyang mahalaga, lalo na sa mga taong malalapit sa iyo kung saan dapat mo silang bigyan ng kahit anong bagay na mayroon ka dahil habang nagbibigay ka at namumudmod, lalo namang gagaang at sasaya ang iyong pakiramdam sa buong 2020.

(Itutuloy)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page