top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Nang-hostage para mapansin, panggising sa mga abusado

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 4, 2020
  • 2 min read

”Mali ang ginawa niya, pero totoo ang mga sinabi niya.”

Karamihan ay ito ang reaksiyon sa halos sampung oras na hostage-taking sa isang mall sa Greenhills, San Juan kahapon na kinasangkutan ng isang security guard.

Sa mistulang presscon, inilahad ng hostage-taker na napag-alamang sinibak na sekyu ang mga aniya’y hindi patas na pagtrato sa kanilang mga sekyu at ang nagaganap umanong korupsiyon at iba pang labor issues sa kanilang ahensiya at maging sa mall.

At bago pa man ang insidente, aminado ang Department of Labor and Employment (DOLE) na may natanggap na silang reklamo kaugnay sa naganap na sibakan.

Hindi maitatangging bagama’t, hindi ito ang tama at mabuti, sa pamamagitan nito ay nagbukas ang pagkakataon para mapag-usapan ang mga isyu at hinaing, hindi lang ng mga security guard kundi ng iba pang mga manggagawa.

Mulat tayo sa katotohanan na marami talaga ang lumalabag sa batas-paggawa na tila hindi nabibigyan ng pansin ng gobyerno.

May mga manggagawa rin na sunud-sunuran na lang kesa mawalan ng kayod habang meron ding wala talagang sapat na kaalaman sa kanyang mga karapatan kaya hindi makapagreklamo.

Ilan sa mga karapatan ng manggagawa ay ang kasiguruhan na hindi basta-basta matatanggal sa trabaho nang walang sapat na dahilan na ayon sa batas, tamang suweldo, pagkakaroon ng mga benepisyo, ligtas na lugar ng pinagtatrabahuhan at iba pa.

‘Yun nga lang, kahit alam na ito ng karamihan ay sadyang may mga among abusado at manggagawa na wala na lang ding magawa.

Sana ay magsilbi itong panggising sa gobyerno na palaging bantayan ang kapakanan ng lahat, sa mga manggagawa na alamin ang ating mga karapatan at ipaglaban ito sa tamang paraan at sa mga boss o namamahala sa trabaho na sumunod tayo sa batas at maging makatao.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page