Tumutoma kasama ang mga kaibigan, sign na dapat uminom din ng alak paminsan-minsan
- Socrates Magnus
- Mar 3, 2020
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Lordie na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor, Nanaginip ako na nakikipag-inuman ako sa mga kaibigan ko. Bakit ko ito napanaginipan, eh, hindi naman ako umiinom ng alak? Pero ‘yung ilang kaibigan ko, talagang umiinom.
Ano ang ibig sabihin nito? Salamat!
Naghihintay, Lordie
Sa iyo Lordie, Ang sabi, kung sino ang iyong nakakasama, ganu’n ka. Sa totoo lang, judgmental ang ganitong pananaw, kaya lang, marami sa mga Pinoy ang nagsasabing kung sino ang mga barkada mo ay ganu’n ka rin. ‘Yan ang ayon sa mga magulang na disiplina ang ipinaiiral sa tahanan.
Ang problema, ang bawat tao ay may iba’t ibang klase ng kaibigan kaya hindi applicable ang pagiging judgmental.
Tulad mo, ilan lang naman sa mga kaibigan mo ang umiinom, ibig sabihin, hindi lahat ng kaibigan mo ay umiinom, kaya hindi rin puwedeng husgahan ka nang dahil lang sa iilang kaibigan mo.
Sa totoo lang, walang masama sa pag-inom ng alak dahil ang masama ay ang sobrang pag-inom. Sa buhay ng mga umaasenso at yumayaman, sa una ay hindi man lang sila tumitikim ng alak, kaya lang, dahil ang mga nakakasama nila ay mayayaman na umiinom ng wine o liquor, hindi nila maiwasang uminom din.
Ganito ang patakaran para husgahan ang pag-inom ng alak. Sa tanong na lasenggo na bang matatawag ang tumitikim lang ng alak, ano ang sagot?
Palagay ko, mabilis mong isasagot na hindi puwedeng tawaging lasenggo ang paminsan-minsang nalalasing.
Kaya ito ay naitanong sa iyo dahil ayon sa panaginip mo o naglalaro sa isipan mo na masarap din ang alak, na nagsasabing iinom ka rin sa ibang araw, kaya huwag na huwag mong kalilimutan na inom lang dahil ang paminsan-minsang pag-inom ng alak ay hindi puwedeng ibilang sa mga lasenggo at lasengga.
Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo





Comments