Mga bagong pambato ng DLSU, Fil-Ams, isasalang sa D-League
- VA
- Mar 2, 2020
- 2 min read

Ipaparada ng nagbabalik na developmental league na De La Salle University ang kanilang mga pambato, kabilang na ang dalawang bago nilang mga Filipino-American players at foreign slotman sa pagsalang nila ngayong hapon sa opening day ng 2020 PBA D-League Aspirants Cup sa FilOil Flying V Center sa San Juan.
Sasagupain ng Eco Oil-De La Salle sa unang laro ganap na alas-2:00 ng hapon kasunod ng simpleng opening rites ganap na ala-1:00 ng hapon ang koponan ng Wang’s Basketball-Letran.
Inaasahang maglalaro para sa Green Archers sa unang pagkakataon sina Fil-Ams Kameron Vales at Jeromy Hughes gayundin si Senegalese center Amadou N’Diaye.
Ang mga nabanggit na manlalaro ang inaasahang makakabalikat nina Justine Baltazar at Aljun Melecio para sa kanilang paghahandang gagawin sa darating na UAAP Season ’83 sa ilalim ng nagbabalik ding coach ng Green
Archers na si Derrick Pumaren.
Isang 6-foot-3 swingman, si Hughes ay galing ng Wenatchee Valley College sa Washington habang ang 6-foot guard at tubong California na si Vales ay huling naglaro sa University of Regina sa Canada.
Pinakabagong foreign player ng La Salle kasunod ni Taane Samuel ang dating slotman ng Technological Institute of the Philippines na si 6-foot-11 Amadou N’Diaye.
Tiyak na aantabayanan din ang matinding tapatan nila ng reigning NCAA champion Letran na pamumunuan ng kanilang mga beteranong big men na sina Larry Muyang, Christian Fajarito, Jeo Ambohot at Renato Ular.
Samantala sa tampok na laban, magtutunggali ang nag-iisang non-school based squad ngayong conference na Marinerong Pilipino at isa sa mga perennial contender Karate Kid CEU.
Sigurado ring aabangan sa Skippers ang debut game ng top draft pick na si Jamie Malonzo at ang mga Gilas cadets na sina Juan at Javi Gomez de Liaño sa pagsalang nila kontra Scorpions na nasa ilalim ngayon ng bagong coach na si Jeff Napa.
Mga laro ngayon: FilOil Flying V Centre: 1 pm Opening Ceremony: 2 p.m. Wangs-Letran vs. Eco Oil-La Salle: 4 p.m. Marinerong Pilipino vs. Karate Kid-CEU.





Comments