Lalaking nalilito sa 2 GF na parehong nakaka-sex kung sino ang pakakasalan
- Maestro Honorio Ong
- Mar 2, 2020
- 2 min read
Dear Maestro, December 29, 1990 ang birthday ko at may dalawa akong girlfriends. ‘Yung una ay isinilang noong May 16, 1993 na tawagin na lang nating Ms. Taurus at ‘yung ikalawa naman ay isinilang noong August 7, 1994 na tawagin nating Ms. Leo.
Pareho ko silang mahal, kaya lang, kailangan ko nang mamili dahil madalas nang may nangyayari sa amin ni Ms. Leo at nagyayaya na siyang magpakasal, pero si Ms. Taurus ay minsan ko lang naka-sex. Sino sa kanilang dalawa ang mas ka-compatible ko at dapat kong makatuluyan para matiyak ang maligaya at panghabambuhay na pamilya?
Umaasa, Alfred ng Kamuning, Quezon City
Dear Alfred, Kung purong Numerology ang pag-uusapan, pareho mong ka-compatible ang dalawang girlfriends mo na sina Ms. Leo at Ms. Taurus na parehong may birth date na 7 (dahil ang 16 ay 1+6=7) kung saan ang birth date mo namang 29 o 2 (ang 29 ay 2+9=11/ 1+1=2), tulad ng nasabi na ay sadyang compatible sa mga taong isinilang sa mga petsang 7, 16 at 25, sapagkat ang 7 at 2 ay kapwa nagtataglay ng elementong water sa kategoryang weak number.
Gayunman, kung Astrology o zodiac sign ang pag-uusapan, higit na ka-compatible ng zodiac sign mong Capricorn ang Taurus na siya namang zodiac sign ni Ms. Taurus kung ikukumpara sa zodiac sign na Leo ni Ms. Leo dahil ang Taurus at Capricorn ay may iisang elementong tinataglay – ang elementong earth o lupa.
Ibig sabihin, malinaw na kung sa Astro-Numerology na pag-aanalisa, si Ms. Taurus ang dapat mong piliin kung gusto mo nang mag-asawa upang makatiyak ng maunlad at panghabambuhay na pagpapamilya.
Ang problema, sabi mo ay si Ms. Leo ang nagyayayang magpakasal, habang si Ms. Taurus ay hindi naman. Dahil dito, ito ang malaking problema, kung paano ka makikipag-break kay Ms. Leo nang maayos at hindi gaanong sasama ang kanyang loob?
Ibig sabihin, dahil dalawa ang girlfriends mo, lumalabas na nang-aagrabiyado ka ng babae kahit sabihin pang pareho mo silang mahal.
Ang pinakamabuti mong magagawa ay makipag-break nang maayos kay Ms. Leo upang hindi na lalong lumala ang kasalanan mo sa kanya dahil habang hindi ka nakikipag-break kay Ms. Leo at patuloy mo siyang ginagalaw, kung halimbawang si Ms. Taurus ang pipiliin mong pakasalan dahil siya ang higit mong ka-compatible, lalabas na kaawa-awa naman ‘yung babaeng iiwanan mo sa sandaling nag-asawa ka na, ‘ika nga, baka makarma ka pa n’yan!
Habang ayon sa iyong Love Calendar, hindi pa huli ang lahat upang ituwid mo ang mga pagkakamali sa kasalukuyan kung saan hindi mo dapat patagalin at palalain pa ang sitwasyon.
Tulad ng naunang suhestiyon, makipag-break ka nang maayos kay Ms. Leo nang sa gayun, sa parte naman niya ay unti-unti niyang matanggap ang kasawiang ipalalasap mo sa kanya, habang kayo naman ni Ms. Taurus ay unti-unti nang makapaghahanda para sa kasalan na nakatakdang magbunga ng maunlad, maligaya at panghabambuhay na pagsasama na nakatakdang mangyari sa 2021 bago sumapit ang edad mong 31.




Comments