top of page

Mga Senador, biglang bumaliktad sa prangkisa ng ABS-CBN

  • Korina Sanchez
  • Feb 28, 2020
  • 2 min read

Natuloy ang pagdinig ng Senado sa prangkisa ng ABS-CBN noong Lunes. Maraming dumalo — mga opisyal ng istasyon, empleyado ng kumpanya at opisyal ng gobyerno na may kaugnayan sa isyu.

Nagsalita si ABS-CBN Corp. President and CEO Carlo Katigbak at ipinaliwanag na noong nagbigay ng mga Philippine Depository Receipts (PDR) noong 1999, legal ito at pinayagan ng Securities and Exchange Commission (SEC). Ang mga nabigyan ng PDR ay hindi maituturing na mga may-ari ng kumpanya. Ito ang basehan ng inihain ni Solicitor General Jose Calida na ‘quo warranto’ laban sa istasyon.

Kung may pagbabago sa batas hinggil sa PDR, sana, bigyan pa rin ang mga ito ng pagkakataong sumunod. Samantala, nilinaw din ng BIR na walang utang na buwis ang istasyon. Wala ring paglabag sa SEC.

Pero ang mas mahalagang testimonya ay mula sa mga empleyado ng istasyon mismo.

Ang pinuno ng unyon ng mga empleyado ng ABS-CBN ang nagpatotoong malaking tulong at ginhawa ang naibigay sa kanila ng istasyon. Kaya nang lumabas ang usap-usapang magsasara na ang kumpanya ay tila “torture” ito sa kanila.

Marami pang tinalakay — may kaugnayan sa legal at teknikal na rason. Pero ang mahalaga ay nailabas na ang panig ng istasyon sa tamang lugar.

Kaugnay nito, may ulat na nagbago ang pananaw ng ilang senador hinggil sa prangkisa ng ABS-CBN. Ayon kay Sen. Christopher “Bong” Go, pakikiusapan daw niya si Pangulong Rodrigo Duterte na baguhin ang katayuan tungkol sa istasyon.

Maraming senador ang sumasang-ayon sa pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN. Kung may mga kaunting paglabag, pagmultahin na lang imbes na tuluyang ipasara dahil iniisip din natin dito ang kapakanan ng libu-libong empleyado at manggagawa na posibleng mawalan ng kabuhayan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page