top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Isinilang sa Year of the Ox, mas umuunlad ang buhay dahil mas feel magtrabaho kesa makipagtsismisan

  • Maestro Honorio Ong
  • Feb 25, 2020
  • 2 min read

Bulgar Horoscope

Tapos na nating talakayin ang pag-aanalisa sa kapalaran ng mga isinilang sa Year of the Rat o silang mga isinilang noong 1924, 1936, 1948, 1960, 1972, 1984, 1996, 2008 at 2020.

Ang aanalisahin naman natin ngayon ay ang kapalaran ng mga isinilang sa animal sign na Ox o Baka, sa eksaktong salita, sila ang tinatawag na mga isinilang sa taon ng Bulugang Baka.

Kung ikaw ay isinilang noong 1925 at 1985, ikaw ay Wood Ox; kung 1937 at 1997, ikaw naman ay Fire Ox; kung 1949 at 2009, ikaw ay Earth Ox; kapag 1961 naman, ikaw ay Metal Ox at kapag 1973, ikaw ay Water Ox — lahat kayo ay nasa ilalim ng kapangyarihan at kapalaran ng mga taong nagtataglay ng animal sign na Baka o Ox.

Sinasabing ang Ox o Baka ay siya ring Capricorn sa Western Astrology kung saan kayo ay kilala sa pagiging masipag, masikap at yayaman. Pinaniniwalaang higit na mas maalwan o mas asensado sa buhay ang mga Ox na isinilang sa panahon ng tag-araw kung ikukumpara sa mga Baka o Ox na isinilang sa panahon ng taglamig o tag-ulan.

Tahimik at medyo kimi ang mga Ox na isinilang sa gabi, habang medyo may pagkaatrebida at malakas ang loob ng mga Ox na isinilang sa umaga, tanghali o sa panahong sikat na ang Haring Araw sa kalangitan. Bukod sa mapagtiis ang mga Ox, sobrang maaasahan, kaya karamihan sa kanila ay matatagpuang may maunlad na pamumuhay.

Kilala rin sila sa pagiging praktikal at makikitang gawa sila nang gawa at hindi kumikibo. Hindi sila mahilig magdadakdak at wala sa bokabularyo nila ang tsismisan. Sa pagiging sobrang tahimik ng Ox, kadalasan ay nami-misinterpret sila ng mga taong nakapaligid sa kanila na hindi sila masaya.

Pero ang totoo, kasiyahan na ng Ox ang may magawang kongkretong proyekto sa isang araw, kaysa dumakdak nang dumakdak nang wala namang nagagawang produktibong bagay. At dahil ang Ox ay likas na masipag at maaasahan sa lahat ng bagay, sinasabing sadyang isa sila sa 12 animal signs na sobrang sarap makasama, lalo na sa trabaho at iba pang gawaing mahihirap gawin.

Ang isa pang magandang katangian ng Ox ay ‘yung tipong bukod sa nakapagko-concentrate sila sa kanilang ginagawa, hindi rin nila gaanong iniintindi ang kumakalat na tsismis at paninira. Sa halip, kahit ano pang intriga ang ipukol mo sa kanila, magre-react lang sila nang bahagya, pero sa bandang huli, ang mga tsismis at negatibong balitang ito ay madali nilang inietsapuwera at binabalewala.

Kaya kapag tinuos at inisip mong mabuti, dahil hindi mahilig magpapasok sa intriga at tsismis ang Ox, maraming baka ang nagiging masaya sa kanilang pag-iisa at hindi pakikialam sa mga nangyayari sa kanilang paligid.

Tunay ngang sinasabi na ang kaligayahan ng Ox sa kanyang buhay ay ang magtrabaho, tapusin ang kanyang trabaho at pagdating ng gabi, kasama ang minamahal niyang pamilya, mamamahinga siya at pakiramdam niya ay nagawa na niya ang lahat ng dapat gawin, kaya matutulog na siya nang masarap at mahimbing.

(Itutuloy)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page