Pambabato sa tren ng PNR, paulit-ulit na, LGU ng Muntinlupa, galaw-galaw!
- Ryan B. Sison
- Feb 24, 2020
- 2 min read

Isa na namang insidente ng pambabato sa tren ng Philippine National Railways (PNR) ang nangyari kaya hindi natuloy ang pagpapabiyahe sa mga bagong tren na galing sa Indonesia.
Dahil dito, hindi na napigilan ng mga pasahero na maglabas ng galit matapos batuhin ang sinasakyang tren ng PNR sa bahagi ng Muntinlupa. Bagama’t, fiber glass ang bintana, nag-iwan pa rin ito ng malaking lamat.
Ayon sa pamunuan ng PNR, napapadalas ang mga ganitong insidente at noong Pebrero 16, tinamaan ng bubog sa leeg ang isang pasahero nang mabasag ang salamin ng tren matapos pagbabatuhin.
Habang noong Disyembre, napaulat na nabasag ang salamin ng pintuan ng tren dahil din sa pambabato, kaya naman nakikipag-ugnayan na ang PNR sa lokal na pamahalaan, partikular sa barangay upang matigil ang mga pambabato.
Nakalulungkot lang dahil nakikita nating nagsisikap ang pamahalaan na mapaganda ang serbisyo ng pampublikong transportasyon, pero ganito ang ginagawa ng ilan.
Galit na galit ang mga komyuter dahil ‘yung maayos at ligtas sanang biyahe, eh, napeperhuwisyo dahil sa mga salot na ito.
Panawagan natin sa lokal na pamahalaan, baka naman may puwede kayong gawin para hindi na maulit ito? Malamang, tagaroon lang din ang gumagawa nito, kaya dapat lang na bigyang-pansin ito ng LGU at panagutin ang dapat managot.
At kung paulit-ulit nang nangyari ito at nakasakit ng pasahero, galaw-galaw na bago pa dumami ang mga naaabalang komyuter.
Pare-pareho lang tayong naghahangad ng mapayapang pagbibiyahe gamit ang pampublikong transportasyon kaya sana, magtulungan tayo na ingatan ang kagamitan ng pamahalaan.
Hindi pa rin natin maaalis ang katotohanan na nasasayang ang pera ng taumbayan na ginagamit para mapaayos ang mga ito, kaya panawagan sa mga lokal na pamahalaan, makipagtulungan sana tayo sa paniniguradong maayos at ligtas ang inyong nasasakupan para sa kaayusan at kaligtasan ng lahat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.








Comments