ASF, lumalala na, wa’ pa ring solusyon

Habang tinututukan ang kontrobersiyal na prangkisa ng ABS-CBN, pagkalat ng COVID-19 at ‘Pastillas Modus’ sa Bureau of Immigration, dumarami naman ang umaaray sa ASF.
Patuloy ang paglaganap ng African Swine Fever (ASF) virus sa mga alagang baboy sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kailangan nang itodo ang paghihigpit ng local government units (LGUs) sa pamamagitan ng pagpapatupad ng quarantine at checkpoint sa lahat ng entry at exit points ng kanilang nasasakupan. Isa ito sa mga paraan upang matiyak na walang nakapupuslit na produkto na maaaring pagsimulan ng nasabing virus.
Kung lahat ay magtutulungan mula sa LGU hanggang sa mga nag-aalaga ng baboy, mas madaling masusugpo ang ASF. Kung may makitang banta o kaso ng virus, kailangang ipagbigay-alam agad sa mga kinauukulan.
Sa ganitong paraan ay maiiwasan ang paglala ng sitwasyon, huwag na huwag sanang sumagi sa isipin na damay-damay, dahil lalo tayong malalagay sa alanganin.
Minsan, talagang may kailangang magsakripisyo alang-alang sa nakararami. Bukod sa mga checkpoint, malaking tulong din ang pagpapatupad sa national zoning plan.
Sa ilalim ng Administrative Circular No. 12 o National Zoning and Movement Plan for African Swine Fever ng Department of Agriculture (DA), tutukuyin ang zone classification ng isang lugar depende sa inilagay na geographical limits ng mga awtoridad alinsunod naman sa mga na-infect at isinailalim sa quarantine.
May tinatawag na infected zones, dahil sa mga naitalang kumpirmadong kaso ng ASF, habang free zone naman ang mga lugar na walang kaso ng ASF at yellow zone ang mga high risk area dahil sa dami ng populasyon ng alagang baboy, gayundin ng bentahan ng mga karneng baboy at mga produktong gawa rito.
Kung tukoy ang mga lugar na apektado o maaaring maapektuhan, mas madaling mababantayan at malalabanan ang virus.
Kasabay nito ang pakiusap sa mga opisyal ng lugar na huwag nang mag-atubiling magdeklara ng state of emergency kung lalawak pa ang ASF, para na rin sa agarang tulong na maihahatid sa mga apektado ng ASF.





Comments