Todo-pakiusap sa Senado… Coco, ipinagsigawang ‘di hahayaang magsara na lang nang basta-basta ang ABS

Astig at nakakapanindig-balahibo ang rally and prayer vigil na isinagawa ng daan-daang empleyado ng ABS-CBN last Friday night para ipakita ang pagmamahal sa network at suporta sa renewal of franchise nito, gayundin ang pagsuporta sa freedom of expression.
Napadaan ang sasakyan namin sa harap ng ABS-CBN compound kung saan isinasagawa ang pagtitipon at talagang tumayo ang balahibo namin habang nakikita namin silang tila nagpuprusisyon, all clad in white, at may hawak na mga kandila. Parang naalala nga namin that time ang EDSA People Power noong 1986 kung saan talagang ang lahat ay punumpuno ng passion at emosyon habang naglalakad.
We learned na dumalo rin ang ibang mga Kapamilya celebrities sa naturang rally and prayer vigil sa pangunguna ni Coco Martin na nagbigay ng powerful statement regarding ABS-CBN’s franchise renewal.
“Hindi ko hahayaan na isang araw, magising na lang ako na ‘yung pinagkakautangan ko ng loob, ng maraming empleyado, na nagbibigay sa ‘min ng hanapbuhay para matupad ang aming mga pangarap ay mawala na lang nang bigla,” pahayag ni Coco.
Sinabi rin ng aktor na hindi sila naghahamon or naghahanap ng gulo kundi naroroon sila para manalangin at humingi ng tulong. “Nandito kami para ipakita na nagkakaisa kami, hindi para maghanap ng gulo o maghamon sa kahit anumang laban. Nandito kami para humingi ng tulong para ipanalangin na bigyan ng linaw ng kalooban, ng pag-iisip ang Senate, ang lahat ng mga bumubuo ng mga dapat magbigay ng prangkisa para sa ABS-CBN,” aniya.
Sinabi rin ni Coco ang kahalagahan ng malayang pamamahayag at hindi raw dapat ito pinipigilan.
Habang nagsasalita ang aktor ay ramdam na ramdam ang sinseridad at emosyon sa nangyayari ngayon sa kanyang mother network.
Nag-viral ang statement na ito ni Coco at ini-repost ng mga kapwa-artista’t mga empleyado ng ABS-CBN. Isa sa mga nakita naming nagbigay ng kanyang papuri ay si Karen Davila.
Sey ni Karen, “Hats-off to Coco Martin! That is a powerful statement. This is why it is important for our actors/actresses to speak up about freedom of press and expression. Saludo sa mga artista para sa bayan!”
Isa pang post ni Karen, “Hanep, Coco Martin (applause emoticon). Napakaganda at napakalinaw ng sinabi sa ABSCBN rally,” at idinugtong ang statement ni Coco.
Bukod kay Coco ay nakiisa rin sa naturang pagtitipun-tipon sina Jericho Rosales, Shaina Magdayao, Yassi Pressman, Rowell Santiago, Jaime Fabregas, Angel Aquino, John Prats, Dominic Ochoa, Nikki Valdez, Joel Torre, Angeline Quinto, atbp..
Kami man ay isa sa mga nagdarasal at umaasang hindi maipasara ang network na naging bahagi na ng buhay ng bawat Pilipino sa napakaraming dekada.





Comments