When it rains, it pours!.. Earth Rat, hindi lang magtatagumpay sa career, marami pang secret admirer
- Maestro Honorio Ong
- Feb 22, 2020
- 2 min read

Sa pagpapatuloy ng Chinese Astrology Forecast 2020, ang tatalakayin natin ngayon ay silang mga isinilang sa Year of the Earth Rat, kung ano ang kapalarang magaganap sa kanilang buhay ngayong 2020.
Tandaang may limang klase ng Daga ayon sa taglay niyang elemento. Noong nakaraang mga araw ay natalakay natin ang (1) Metal Rat (silang mga isinilang noong 1960), (2) Wood Rat (silang mga isinilang noong 1924 at 1984), (3) Water Rat (silang mga isinilang noong 1972) at (4) Fire Rat (silang mga isinilang noong 1996).
Sa isyung ito, Earth Rat o ang Lupa na Daga naman ang tatalakayin natin upang ang pag-aanalisang ito ay maging gabay para makamit ang matagumpay at maligayang pamumuhay sa buong 2020.
Kung ikaw ay isinilang noong 1948 at 2008, partikular silang mga isinilang noong ika-6 ng Pebrero, 2008 hanggang sa ika-25 ng Enero, 2009, ikaw ay tatawaging Earth Rat.
Ganito ang tinatayang magiging kapalaran mo ngayong taong ito. Dakilang mga pag-unlad at karangalan ang itatala sa iyong career ngayong 2020. Ang kasiglahan ng buhay at magagandang kapalaran ay patuloy na mapasasaiyo sa lahat ng mga ginagawa mo sa kasalukuyan. Gayundin, maraming masasarap at masasayang karanasan ang iibabaw sa iyong mga alaala at gunita.
Sa materyal na bagay, may mga tulong na darating sa iyo mula sa malalayong lugar at hindi lang basta tulong o ayuda ang iyong matatanggap kundi malalaki at marami talaga. Sa ganitong sitwasyon ng iyong buhay, dapat matuto kang magbigay at mamahagi ng iyong mga blessings upang patuloy na dumating sa iyo ang iba pang mga suwerte at magagandang kapalaran.
Ngayong taon, may pangako rin ng masasayang karanasang dulot ng damdamin kung saan sa taong ito, unti-unting mabubuhay ang iyong pagnanasa at ligayang dulot ng paghanga sa mga kapwa mo kabataan na magbibigay ng dagdag na kulay sa iyong karanasan.
May mga taong hahanga sa iyo nang palihim kung saan nanaisin kang makasama, pero mabibigo sila. May mga tao namang gugustuhin mong makasama at pagbibigyan ka ng langit na matupad ang iyong kagustuhan.
Sa pangkalahatan, ang taong 2020 ay itatala bilang paglago, pag-unlad, magagarang karanasan at mapalad na panahon sa iyong buhay.
Likas ka namang susuwertehin sa mga numerong 2, 3, 11, 18, 28 at 33.
Mapalad ang kulay na green, yellow at golden yellow, higit lalo sa mga araw ng Martes, Huwebes, Biyernes at Linggo. Ang lahat ng mga pandispley, alahas at burloloy sa katawan na yari o nanggaling sa lupa ay magbibigay sa iyo ng kakaibang suwerte sa buong taon.
(Itutuloy)




Comments