Fieldtrip sa library kesa sa amusement park, mas oks
- Ryan B. Sison
- Feb 22, 2020
- 2 min read

Maraming nabahala at nalungkot nang lumabas ang ulat na tumaas ang bilang ng mga mag-aaral na hindi marunong magbasa.
Kaya naman nagbigay ng iba’t ibang suhestiyon ang mga mambabatas para matutong bumasa at umintindi ang mga estudyante.
Mayroong nagsusulong na bigyan ng libreng pagkain, bitamina, gatas at mineral supplements ang mga mag-aaral, gayundin, pagaanin ang schedule ng mga guro upang masubaybayan ang pag-aaral ng mga estudyante.
Kaugnay nito, hinihimok ng isang mambabatas ang pamahalaan na gumawa ng maraming public libraries upang mahikayat ang mga bata na mag-aral at magbasa, gayundin, intindihin ang kanilang mga binabasa.
Kabilang din sa nais nito ang pagtatayo ng mga karagdagang silid-aralan na may mga aklat na maaaring basahin ng mag-aaral at bigyan ang mga guro ng gamit upang matulungan ang kanilang mga estudyante sa pagbasa nang maayos.
Sa totoo lang, maganda ang layunin ng mga suhestiyong ito kaya sana, suportahan ito ng pamahalaan.
Suhestiyon naman natin, sa halip na mag-fieldtrip sa malalayong pasyalan o amusement park ang gawin, mas mabuti pang sa mga library na lang dalhin ang mga estudyante.
Sa ganitong paraan, tiyak na mas maraming aral ang maiuuwi ng mga ito at hindi lang basta memories.
Dagdagan din sana ang mga aktibidad sa paaralan na maghahasa sa reading comprehension ng mga bata.
Maganda na sa murang edad pa lang ay kahiligan na nila ang pagbabasa — bagay na hindi pa naman huli kaya dapat nang tutukan.
Tayong mga magulang, malaki rin ang parte na dapat nating gampanan dahil ‘ika nga, tahanan ang unang paaralan kaya sa bahay pa lang, maglaan na tayo ng oras para turuan silang magbasa at umintindi.
Napakalaking bagay ng karunungan sa pagbasa dahil habambuhay itong mapakikinabangan at hindi sa eskuwelahan lang.
Suporta at tiwala ang kailangan ng mag-aaral para mapaunlad ang kanilang kasanayan sa pagbabasa kaya ibigay natin ito sa kanila.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments