Final 12-Man ng Gilas, binuo na vs. Indonesia
- Alvin Olivar
- Feb 20, 2020
- 1 min read

Inanunsiyo kagabi ang final 12 ng Gilas Pilipinas para sa darating na laro sa FIBA Asia Cup 2021 qualifiers kontra Indonesia.
Nangunguna sa mga manlalaro na nakasama sa line-up ang team captain na si Kiefer Ravena, CJ Perez, Roger Pogoy, Troy Rosario, Poy Erram, Justin Chua at Abu Tratter.
Kasama rin sa listahan ang kapatid ni Kiefer na si Thirdy Ravena, Juan Gomez De Liano, Dwight Ramos, Isaac Go at Matt Nieto.
Kasama sa reserve list sina Javee Mocon, Jaydee Tungcab, at Rey Suerte. Ayon kay interim coach Mark Dickel, hindi naging madali ang pagpili nila sa final 12 na kanilang napagdesisyunan matapos ang dalawang linggong ensayo.
“It was not an easy team to pick. We had numerous combinations that we could have gone in a few positions. We have covered it with some young players. They have the advantage thinking towards the future,” saad ni Dickel.
Mag-eensayo pa ang Gilas Pilipinas sa mga susunod na araw bago tumulak papuntang Indonesia sa Biyernes. Makakaharap nila ang Indonesia sa Britama Arena sa Jakarta.
Nauna nang hindi tinuloy ang laro ng Gilas kontra Thailand sa Mall of Asia Arena na gaganapin sana sa Huwebes dahil sa banta ng coronavirus (COVID-19). Tangka ng Gilas Pilipinas na makapasok sa FIBA Asia Cup na gaganapin sa susunod na taon.






Comments