Perez at Tautuaa, babanat sa 3x3 Olympic Qualifying
- VA
- Feb 19, 2020
- 1 min read

Magiging bahagi sina CJ Perez at Mo Tautuaa ng Philippine 3x3 team na isasabak ng bansa sa darating na 2020 FIBA 3x3 Olympic Qualifying Tournament sa susunod na buwan.
Kinumpirma ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang pagsasanib ng puwersa nina Perez at Tautuaa at nina world-ranked 3x3 players Joshua Munzon at Alvin Pasaol sa isang koponan na sasabak sa qualifiers na gaganapin sa Bangalore, India sa Marso 18-22.
Miyembro sina Perez at Tautuaa ng Philippine team na nagwagi ng gold medal sa men’s 3x3 competition sa nakaraang 30th Southeast Asian Games kasama nina Jason Perkins at Chris Newsome.
Inaasahang mas lalaki ang tsansa ng bansa sa kumpetisyon sa pagsasanib ng dalawang PBA players at nina Munzon at Pasaol na beterano ng Chooks-to-Go Pilipinas 3x3 League at FIBA 3x3 World Tours sa mga nagdaang taon.
Kabilang ang ating national 3x3 squad sa Group C kasama ng Slovenia, France, Qatar at Dominican Republic sa torneo kung saan ang top three teams ay magku-qualify sa darating na 2020 Olympics sa Tokyo.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay idaraos at magiging bahagi ng quadrennial games ang 3x3 basketball.





Comments