Mga batas na nilabag ng ABS-CBN kaya tama lang na maipasara
- Bobi Tiglao
- Feb 17, 2020
- 2 min read
Kahit kailan, nakadidismaya ang mga komunista. Isipin mo, sa pamamagitan ng kanilang mga “front” na partylist, sila ang nangunguna sa pagpilit sa Kongreso na bigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN. Huwag silang mangialam, lalo na kung wala naman silang malawak na nalalaman.
Hindi ba nila alam na nilabag ng ABS-CBN ang Konstitusyon ng Pilipinas nang nagbenta ito ng shares sa mga dayuhan? Malinaw na sinasabi sa ating Konstitusyon na bawal magmay-ari ng media company ang mga banyaga at mahalagang prinsipyo ito na hindi dapat binabalewala.
Ang media ang isa sa mga naghuhubog ng pag-iisip at konsensiya ng taumbayan dahil malakas ang impluwensiya nito sa anumang aspeto.
Hindi sa pagkukumpara, pero sa ibang bansa tulad ng Japan at Singapore, ang estado o ang gobyerno ang may kontrol ng media kaya kung mapapansin, disiplinado ang mga Hapon at taga-Singapore na hindi tulad sa atin na napakaraming pasaway.
Gayundin, nilabag ng ABS-CBN ang prangkisa nito at hindi sinunod ang mga responsibilidad na nakalaan sa Section 4 ng Republic Act 7966. Ayon sa batas, dapat naglalaan ang istasyon ng sapat na panahon para sa gobyerno nang sa gayun ay maipaabot nito ang mga importanteng isyu sa taumbayan.
Sinasabi rin sa batas na kailangang hindi nagkakalat ng kasinungalingan ang istasyon at hindi nag-uudyok ng subversion at pagtataksil sa bayan.
Sa palagay ba ninyo ay sinusunod ng ABS-CBN ang mga alituntuning ito? Malinaw na hindi.
Sa totoo lang, kaya tayo napag-iiwanan ng ibang bansa ay dahil ang kasalukuyang henerasyon ay lumaki sa mga programa ng ABS-CBN na mababaw at walang saysay.
Kung ikukumpara natin ang mga programa noong 1970’s hanggang 1980’s — bago nag-EDSA People Power Revolution noong 1986 — mahusay ang mga programa at talagang nakapagbibigay ng aral para sa lahat.
Nagtataka pa ba tayo na ang kabataan noon ay higit na matalino, magaling sa Ingles at makabayan kumpara sa kabataan ngayon?
Mabuti na lang at nakita ng Kongreso na walang naitutulong ang ABS-CBN sa pag-unlad ng bayan kaya malamang ay hindi na i-renew ang prangkisa nito na hanggang Marso na lamang.
Sa kabila nito, hindi kailangang mangamba ang mga empleyado nito dahil siguradong kukunin o bibigyan pa rin sila ng oportunidad ng ibang istasyon tulad ng GMA-7, Channel 5 at iba pa.
At ano ang mangyayari sa mga Lopez na may-ari ng ABS-CBN? Huwag ninyong intindihin ang mga elitistang ito dahil napakarami nang pera ng mga ‘yan at wala rin naman silang pakialam sa atin.
Samantala, nag-file si Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema ng “quo warranto petition” laban sa ABS-CBN dahil sa “highly abusive practices” nito o mga gawaing nagpapakita ng pang-aabuso sa mga batas ng bayan.
“Press freedom” ang isinisigaw ng mga komunista at dilawan sa kanilang pagkampi sa ABS-CBN. Pero kung iisipin, labas ang “press freedom” sa paglabag sa Konstitusyon at iba pang batas ng bayan.
Hindi rin kasama sa “press freedom” ang pag-atake sa mga kalaban sa politika ng tambalang Aquino-Lopez.
Hindi rin ibig sabihin na maaari nilang i-exploit ang masa sa pamamagitan ng paglabas ng mga programang walang saysay, habang sila ay nagpapasasa sa kanilang mga kinikita mula sa mga advertiser.
Ang kalayaan ay may kakabit na responsibilidad kaya kung ayaw ng ABS-CBN na sumunod sa batas, mabuti pang maisara na lamang sila.
Comentários