Iba’t ibang sanhi ng dugo sa ihi
- Shane Ludovice
- Feb 16, 2020
- 3 min read
Dear Doc Shane,
Nitong huling mga araw, napansin ko na tila kulay pula o may halong dugo ang ihi ko. Ano ba ang dahilan ng pagkakaroon ng dugo sa ihi? - Manny
Sagot
Ang pagkakaroon ng dugo sa ihi ay tinatawag na hematuria. Nagkakaroon ang tao ng ganitong uri ng kondisyon dahil sa iba’t ibang uri ng sakit sa urinary tract tulad ng sakit sa kidney, sa pantog, sa urethra at iba pa. Maaari rin itong sanhi ng injury na malapit sa mga bahaging ito ng katawan.

Ang mga palatandaan ng hematuria ay ang pag-iiba ng kulay ng ihi at ang pagkakaroon ng hindi pangkaraniwang amoy nito. Samantala, nilulunasan ang hematuria sa pamamagitan ng antibiotic kung ito ay bunga ng impeksiyon. Pero kung ito ay dulot ng injury, maaaring mangailangan ng mas kumplikadong lunas.
Narito ang tatlong pangunahing uri ng hematuria:
Microscopic hematuria. Ang dugo sa ihi ay hindi mapapansin sa pamamagitan lamang ng mga mata, bagkus, ito ay makikita sa pamamagitan ng microscope. Ito ay tinatawag ding “idiopathic hematuria” sapagkat hindi tiyak ang mga sanhi nito.
Gross hematuria. Ito rin ay tinatawag na macroscopic o frank hematuria. Ito ang nakikitang pagbabago sa kulay ng ihi dulot ng pagkakaroon ng mataas na antas ng dugo na humalo rito. Sa kondisyong ito, karaniwang kulay pula, pink o kayumanggi ang ihi.
Joggers’ hematuria. Ang ganitong uri ng hematuria ay karaniwan sa mga taong aktibo tulad ng mga tumatakbo, atleta at maging ang mga may mabibigat na gawain ay maaaring magdulot ng problema sa pantog na maaaring mauwi sa pagdurugo nito.
May iba pang uri ng hematuria batay sa sanhi ng kondisyon tulad ng mga sumusunod:
Hematuria na dulot ng sakit sa bato at kidney
Hematuria na dulot ng trauma o injury sa balakang
Hematuria na dulot ng iba’t ibang uri ng urinary infection
Hematuria na dulot ng iba’t ibang urinary, renal o rectal procedure
Benign hematuria
Malignant hematuria
Narito ang ilan sa mga kondisyong maaaring magdulot ng hematuria:
Namamanang kondisyon. Ang isa sa mga ito ay ang sickle cell anemia, isang uri ng namamanang kondisyon ng mga hemoglobin sa red blood cell. Ang kondisyong ito ay nagdadala ng dugo sa ihi. Ganito rin ang epekto ng Alport’s Syndrome, isang uri naman ng kondisyon na umaapekto sa mga bahaging pansala ng mga kidney.
Urinary tract infection (UTI). Ito ay pagkakaroon ng impeksiyon sa daanan ng ihi. Ito ay karaniwang nakaaapekto sa kababaihan. Kapag lumubha ang impeksiyong ito, maaaring magkaroon ng pag-agos ng red blood cells sa urinary tract at humalo sa ihi.
Pagkakaroon ng bato sa pantog o kidney. Ang pagkakaroon ng sobrang dami ng mga mineral sa mga pantog o sa kidney ay maaaring magdulot ng pamumuo ng mga bato sa mga bahaging ito ng katawan. Kapag hindi naagapan ay nagdudulot din ito ng pagkakaroon ng dugo sa ihi.
Impeksiyon sa kidney. Dahil sa impekiyong dulot ng mga bakterya sa kidney, ang mga red blood cells sa mga apektadong bahagi ay maaaring lumabas sa mga daluyan ng ihi.
Kanser. Ang pantog, prostate, bayag, maging ang mga kindey ay maaaring magkaroon ng kanser. Ang sakit na ito ay nagdudulot ng pagdurugo sa mga nabanggit na mga bahagi. At ang dugo mula sa mga bahaging ito ay maaaring dumaloy papunta sa daanan ng ihi at humalo rito.
Epekto ng gamot. May iba’t ibang uri ng gamot na nagdudulot ng pagdurugo na humahalo sa ihi. Ang ilan sa mga ito ay ang mga anticoagulant o gamot na pumipigil sa paglapot ng dugo, gamot na panlaban sa kanser, aspirin at maging ang ilang uri ng antibiotic.
Paglaki ng prostate. Ang prostate ay isang uri ng gland na matatagpuan sa ilalim ng pantog ng kalalakihan at karaniwan itong lumalaki sa pagtanda. Dahil sa paglaki, napipisil nito ang urethra at bahagyang nahaharangan ang pagdaloy ng ihi. Ang bahaging ito ng katawan ay maaari ring magkaroon ng impeksiyon. Ang paglaki ng prostate at ang mga impeksiyon ay maaaring magdulot sa pagkakaroon ng dugo sa ihi.
Aksidente. Ang taong naaksidente at nagkaroon ng tama (trauma) sa bahagi ng katawan malapit sa kidney ay maaaring magdulot ng pagdurugo nito. Ganito rin ang maaaring mangyari sa mga atleta ng anumang contact sport.
Makabubuti kung magpapakonsulta kayo sa espesyalista (urologist) para maeksamin kayo at malaman ang dahilan ng inyong hematuria. Huwag kayong matakot o mahihiya dahil mas mainam ito para mabigyan ng karampatang-lunas kung anuman ang inyong karamdaman.
Comments