top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Kaya Iloilo, nagpasiklab vs. Myanmar sa AFC Cup

A. Servinio
Feb 14, 2020
1 min read

Photo: Kaya Iloilo FC

Ginulat ng bumibisitang Kaya Iloilo ng Pilipinas ang Shan United ng Myanmar, 2-0, sa pagsisimula ng aksiyon sa Grupo H ng 2020 AFC Cup sa Thuwanna Stadium Miyerkules. Naka-goal sina kapitan Jovin Bedic at Eric Giganto sa second half para makuha ang mahalagang unang panalo sa prestihiyosong torneo ng mga Football club sa buong Asya na idinaos sa Yangon, Myanmar.

Dumating ang Kaya bitbit ang maraming mga bagong manlalaro at bagong coach sa katauhan ni Oliver Colina. Walang goal sa unang 45 minuto ang dalawang koponan subalit nagbago bigla ang lahat matapos ipasok ni Coach Colina ang kanilang mga reserba sa second half. Pumasok si Giganto sa ika-57 minuto at sinundan ni Arnel Amita sa ika-63. Halos 10 minuto pa lang ang lumipas ay pinabagsak ng depensa si Amita sa loob ng penalty box malapit sa goal at walang kabang pinasok ni Bedic ang penalty kick para makauna, 1-0.

Hindi pa tapos si Amita at ipinasa pabalik ang bola sa tumatakbong si Giganto para sa pangalawang goal at masiguro ang tagumpay sa ika-85 minuto. Mula roon ay kumapit ang Kaya hanggang huling sipol ng referee. Sa isa pang laro, tinalo ng Tampines Rovers ng Singapore ang PSM Makassar ng Indonesia, 2-1, upang makibahagi sa maagang liderato ng Grupo H. Susunod na maghaharap ang Kaya at Tampines sa Peb. 26 sa Rizal Memorial Stadium.Ang iba pang laro ng Kaya sa Rizal Memorial ay sa Abril 15 laban sa PSM at ang rebanse sa Shan sa Abril 28. Darayo sila sa tahanan ng PSM sa Marso 10 at sa Tampines sa Mayo 12 na susundan agad ng ASEAN Zone semis.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page