Ikaw na ikaw ba ito, beshy?.. Bagong klase ng love: Mangungutang para sa minamahal
- Sr. Socrates Magnus II
- Feb 12, 2020
- 2 min read
Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa iba’t ibang klase ng pag-ibig o love. Madalas nating marinig na “Love is blind”. Kumbaga, ang pag-ibig ay bulag. Mahirap mang tanggapin, pero marami tayong nasasaksihan na ang love ay nakakabulag.
Ito ang na-in love sa maling tao na kahit siya ay nakararanas ng hindi magagandang bagay ay nananatili pa ring mahal ang tao na masasabing mahal na mahal niya o sobra ang kanyang pagmamahal, kaya kahit siya ay naaagrabiyado ay patuloy pa rin siyang nagmamahal.
Minsan, mapapaisip ka dahil ang bulag sa pag-ibig ay sinasaktan, as in, ginugulpi, binubuntal, iniuuntog sa pader, pero mahal pa rin niya ang nanakit sa kanya.
Gayundin, mapapaisip ka na maaaring ang isa ay sadista kaya mahal din niya ang kanyang sinasaktang karelasyon dahil ang mga sadista, ayon sa sikolohista ay natutuwa kapag nakikita nilang nasasaktan ang kanilang minamahal.
Mapapaisip ka tuloy na ito ba ay pagmamahal? Eh, ‘yung love at first sight? Ito ay totoong-totoo dahil ang lahat ng pagliligawan o nabuong pagmamahal ay nagsimula sa nagkatinginan o ang mga mata ay nagkabanggaan at ang isa ay na-in love. Minsan ay sabay na na-in love sa unang salpukan ng mga mata ng bawat isa.
Gayunman, may isang klase ng love, pero maaaring hindi aminin ng nakaranas at ito ay ang “love after sex”.
Siyempre, lihim lang dahil walang magbibisto na nangyari sa kanya ang ganitong sitwasyon.
Pero ito ay tunay na nagaganap hanggang ngayon sa mga bahay-aliwan kung saan ang babae ay ilalabas, pero may bayad at kapag paulit-ulit siyang nailabas, siya ay mai-in love sa lalaking ito.
Ang isa pang larawan ng ganitong love ay ang nag-asawa ng mayaman dahil lang sa pera at nang nagsasama na ay saka lang natutunang mahalin ang mayaman.
Minsan, ang magiging katwiran ay dahil sa mabait ang mayaman, pero ang tunay na nakatagong dahilan ay kapag ang dalawang tao ay palaging nagse-sex, silang dalawa ay magmamahalan din sa huli.
Nakakagulat ang mga rebelasyon sa buhay tungkol sa kuwento ng pagmamahalan. Makadilat-mata at makataas-kilay, pero ang mga ito ay may katotohanan.
May isa pang mahirap aminin, pero totoong-totoo at ito ay bagong depinisyon ng love na nakakapit sa lumang paniniwala na ang pag-ibig ay makapangyarihan kung saan gagawin ang lahat dahil ikaw ay in love.
Tulad ng nasabi na bagong bersiyong ito, sinasabing ang “Gagawin ang lahat sa ngalan ng pag-ibig,” ay hango sa tula ni Gat Francisco Balagtas sa kanyang obra-maestra na Florante at Laura.
Ang bago ay ang “In the name of love, uutangan ang lahat ng lending para lang mapasaya ang kanyang minamahal.”
Nakakatawa, ‘di ba? Pero ito ay lantad na katotohanan sa buhay ng mga Pinoy sa makabagong panahon kaya ang mga pautangan at lending business ay nagkalat.
Ikaw, nangutang ka na ba sa ngalan ng pag-ibig?
(Itutuloy)




Comments