Pakikipagkapwa-tao, unahin kesa takot sa nCoV

Balik-bansa na ang 30 Pinoy na galing sa Wuhan City, China, ang ground zero ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019 nCoV ARD).
Kasama rin ng mga napauwing Pinoy ang team na kinabibilangan ng dalawang opisyal mula sa Philippine Consulate General sa Shanghai, tatlo mula sa DFA Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs (OUMWA) at limang medical team members mula sa Department of Health (DOH).
Maayos silang nailipat mula sa eroplano patungo sa mga bus na nagdala sa kanila sa Athletes’ Village sa New Clark City, Capas, Tarlac kung saan isasagawa ang 14 araw na mandatory quarantine.
Kaugnay nito, tiniyak ng gobyerno na walang dapat ipangamba ang mga residente ng Capas dahil hindi naman nila makikita at makasasalamuha ang mga iku-quarantine na mga kababayan natin at lahat ng protective measures sa lugar ay mahigpit umanong ipatutupad ng mga medical team.
Matatandaang, una nang umapela ang mga residente rito sa takot na maapektuhan ang kanilang kalusugan at turismo.
Nauunawaan at inirerespeto natin ang kanilang saloobin at paninindigan, gayunman, sa ganitong pagkakataon, nawa’y manaig pa rin ang pang-unawa at pagtulong.
Sana, mas mangibabaw sa atin ang pakikipagkapwa-tao kesa sa takot na dala ng nCoV. Mas malalabanan natin ang epidemya kung may suporta, pakikiisa at pagmamalasakit sa bawat isa.





Comments