EJK, parang nCoV, virus na wala pa ring lunas
- Fr. Robert P. Reyes
- Feb 10, 2020
- 3 min read
Kalilibing pa lamang ni Nelson Pajan, residente ng Barangay Pinyahan, Quezon City noong nakaraang Sabado, ika-1 ng Pebrero, 2020, nang may mabalitaan kaming karumal-dumal na krimen.
Hinampas siya ng matigas na bagay sa ulo at tinangay ang kanyang cellphone at wallet sa isang bahagi ng East Avenue. Isang madaling-araw, nakita na lang itong nakaupo sa tabi ng kainan na tila tulala. Sa kabila ng kanyang maselang kalagayan, nakapaglakad pa ito patungo sa barracks ng tanggapan kung saan nagsimula itong sumuka ng dugo.
Itinakbo siya ng kanyang mga kasamahan sa pinakamalapit na ospital kung saan tuluyan na siyang binawian ng buhay. Sa pagkakakilala natin sa kanya, siya ang mabait at tahimik na tao kung saan nagsimula itong maging lay minister noong Nobyembre, 2019.
Sa mga huling buwan ng kanyang buhay, malinaw ang pagsisikap niyang magbalik-loob sa Diyos at magsilbi sa Simbahan.
Hindi pa napapawi ang sama ng loob ng mga kamag-anak, kaibigan at kaparokya ni Nelson nang mabalitaan namin ang madugong katapusan ng isa pang buhay.
Noong ika-30 ng Enero, 2020, bandang alas-10:30 ng gabi, dumating sa bahay ni Noel Bareses ang apat na lalaking nakasuot ng itim na jacket at face masks. Naiwan sa ibaba ang isa at pinilit ng tatlo na umakyat sa makipot at matarik na hagdanan tungo sa maliit na kuwarto sa pangalawang palapag.
Isa sa tatlong kalalakihan ang sumigaw, “Buksan mo na ang pinto!” Nagtanong si Noel, “Sino ka?” Hindi sumagot ang unang nagsalita at nagpatuloy itong sumigaw, “Buksan mo ang pinto!” Binuksan ni Nenita, asawa ni Noel ang pinto. Pumasok ang lalaki at pilit namang pinababa ng dalawa si Nenita at anak nitong babae na halos mahulog na sa matarik na hagdan.
Nang nasa ibaba na ang mag-ina, nakarinig sila ng tatlong putok ng baril.
Sumigaw ang batang anak na babae, “Pinatay nila si tatay!” At bigla na lang itong nawalan ng malay. Kumaripas nang takbo ang apat na lalaki at nang mahimasmasan ang batang babae ay patakbo itong umakyat at nakita nito ang tila nangingisay na katawan ng kanyang ama na naliligo sa sarili nitong dugo.
Hindi pa nagtatagal ang pagbaril kay Noel, dumating ang mga pulis na may kasamang media. Sa harapan ng mga pulis at media, nagsalita si Nenita, “Ano ang kasalanan ng asawa ko, bakit ito ginawa sa kanya?” At nang tanungin ng mga taga-media kung magpapa-interview ito, tahimik lamang na umalis si Nenita na hindi nagpaunlak sa kanilang pakiusap.
Dalawang araw ang lumipas nang malaman natin ang nangyari kay Noel. Sinikap nating samahan at alalayan ang kanyang biyuda. May kumausap na mga abogado sa kanya at tinulungan siyang gumawa ng sinumpaang-salaysay. Nag-alay din tayo ng misa para kay Noel noong nakaraang Huwebes at kasunod nito ay kitang-kita ang malalim na kalungkutan na bumalot kay Nenita nang sabihin nitong ipalilibing na niya ang kanyang asawa noong Sabado, ika-8 ng Pebrero, 2020.
Napakaraming mahal sa buhay ng mga biktima ng EJK ang ganito rin ang naranasan at naramdaman — lahat sila ay naghahanap ng mailap na hustisya. Mag-aapat na taon nang kumakalat ang ganitong panghihina sa harap ng dambuhalang karahasan at kalupitan.
Ang takot, panghihina, kalituhan at pagmamanhid na kanilang nararamdaman ay tila mga sintomas ng kakaibang virus tulad ng 2019 nCoV ARD. Ito ay nakamamatay ng isip, puso, diwa at kaluluwa.
Panginoon, tulungan at bigyan Ninyo ng liwanag at lakas ang mga pamilya, kaibigan, kapitbahay at kababayan ng Inyong mga nasawing anak dahil sa karahasan at kalupitan. Huwag Ninyong pahintulutang tuluyang mamatay ang aming kamalayan, lakas-loob, pananampalataya at paninindigan bilang mga tao, mamamayan at anak Mo.
Amen.





Comments