Biado, Ignacio, Alcano at Raga malupit sa Bacolod 10-Ball
- Eddie M. Paez, Jr.
- Feb 9, 2020
- 1 min read

Tuloy ang maangas na paglalakbay ng mga paboritong cue artists na sina Carlo “The Black Tiger” Biado, Jeffrey “The Bull” Ignacio, Johann “Bad Koi” Chua, Roland Garcia, Anton Raga at Ronnie “The Volcano” Alcano sa ginaganap na 2020 Sen. Emmanuel D. Pacquiao Valentine’s 10-Ball Open Tournament sa palaruan ng isang mall sa Lungsod ng Bacolod.
Nagturo ng leksyon si Biado, dating World Pool Billiards Association (WPA) no. 1 at minsan nang naghari sa World Games, kay Richard Alinsub, 8-4; binokya ni Ignacio si John Ellie Carreon, 8-0; tiklop si Arvi Tanega kay two-time All Japan king at kinatawan ng bansa sa World Pool Masters sa Gibraltar na si Chua, 3-8; napayuko rin si Ruben Cuna nang makaharap si 2017 World 9-Ball Championships runner-up Garcia sa kaparehong iskor na 3-8; hindi pinaporma kahit minsan ni World Fargo Rating no. 6 Raga ng Cebu si Dondon Punzalan, 8-0; at nagparamdam ng tikas si Alcano ng Laguna kontra kay Vic Firmeza, 8-2.
Hindi rin nagpabaya ang iba pang mga batikang mga manunumbok. Tinalo ni Antonio Gabica si Dave Guarra, 8-4 samantalang umangat si Rodrigo Geronimo laban kay Ranel Bayona, 8-1, sa kompetisyong umakit ng 126 na mga apisyonado ng bilyar.
Halagang P150,000 ang naghihintay sa magiging kampeon sa singles ng kaganapang isinasaayos ng MP Billiards Promotions habang mag-uuwi naman ng cash prize na P200,000 ang tambalang aalagwa sa doubles event.





Comments