top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Isinilang sa Year of The Wood Rat, suwerte sa career at love life pero delikado ang kalusugan

  • Maestro Honorio Ong
  • Feb 8, 2020
  • 3 min read

Bulgar Horoscope

Sa pagpapatuloy ng Chinese Astrology Forecast 2020, ang tatalakayin natin ay silang mga isinilang sa Wood Rat, kung ano ang kapalarang magaganap sa kanilang buhay ngayong taon.

Tandaang may limang klase ang Rat ayon sa taglay niyang elemento. Noong mga nakaraang araw, tinalakay natin ang Metal Rat na isinilang noong 1960. Sa pagkakataong ito, Wood Rat naman ang tatalakayin natin upang ang pag-aanalisang ito ay maging gabay kung paano n’yo makakamit ang tagumpay at wagas na ligaya sa buong taon.

Kung ikaw ay isinilang noong 1924 at 1984, partikular sa ika-2 ng Pebrero, 1984 hanggang sa ika-19 ng Pebrero, 1985, ikaw ay tatawaging Wood Rat o Kahoy na Daga. Ganito ang tinatayang magiging kapalaran mo ngayong 2020.

Sinasabing mabuti na rin ang kapalaran mo kahit papaano, basta ang mahalaga ay ituloy mo lang ang malalaking plano at dati mo nang inaambisyon sa iyong buhay sapagkat sa sandaling itinuluy-tuloy mo ang iyong mga ambisyon, siguradong sa taong ito, isa-isang matutupad ang iyong mga inaambisyon, lalo na sa career at materyal na bagay.

Gayunman, kung sakaling patuloy na dumating ang promosyon at paglago ng iyong kabuhayan, sinasabing ito ay hindi mo dapat ipagmalaki at ipagmayabang dahil ngayong taon, may babala na ikaw ay kaiinggitan ng marami. Gayundin, may babala na ikaw ay masusuot sa mga intriga at paninira ng mga taong nagkukunwaring mabait sa iyo, pero palihim pala niyang pinaplano ang iyong pagbagsak.

Ngunit, dahil likas kang masuwerte sa buong buhay mo, gayundin, dahil ikaw ay ginagabayan ng planetang Jupiter, ang mga taong nananalangin at nag-aabang ng iyong pagbagsak ang silang makararanas ng mga negatibong bagay na kanilang iniisip. Ibig sabihin, imbes na ikaw ay malasin at bumagsak, ang mga taong nag-iisip sa iyo ng masama ang silang ibababa at ibabagsak ng langit.

Samantala, tulad ng nasabi na, hindi ka basta-bastang maibabagsak ng mga taong naiinggit sa iyo, ngunit dapat mo ring ingatan ang iyong kalusugan dahil kung may magpapabagsak sa iyo sa buong taon, walang iba kundi ang sarili mo, lalo na kung hindi ka magiging maingat sa pagkain at mapababayaan mo ang iyong kalusugan.

Kaya dapat mo nang iwasan ang mga pagkaing bawal, labis na pagpupuyat at dapat regular kang nag-eehersisyo at nagpapaaraw sa unang oras sa umaga. Maglaan ka rin ng oras sa pagrerelaks at libangan upang mapanatili mo ang masayang disposisyon sa buhay.

Sa pag-ibig, kung ikaw ay may karelasyon, may babala ng konting hindi pagkakaunawaan, ngunit ang mga hindi pagkakaunawaang ito ay madali namang maisasaayos dahil ito ay bahagi ng paglago ng relasyon patungo sa ganap na maturity. Ibig sabihin, kailangang kayo ay magkatampuhan upang higit ninyong makikilalang mabuti ang inyong mga sarili.

Kung wala ka namang karelasyon dahil maaaring pihikan o masyado kang abala sa iyong career, tiyak na magkakaroon at makararanas ka ng biglaang pakikipagrelasyon. Mga relasyong mabilisan, pero masasarap, memorable at nakakikilig sa iyong karanasan.

Dagdag pa rito, sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, hindi iminumungkahing ikaw o kayo ay magpakasal ngayong 2020. Sa halip, ang pag-aasawa kung sakali mang ito ay pinaplano n’yo na, ito ay maaaring gawin sa mga susunod pang taong 2022 sa Year of the Water Tiger na siya namang paborable sa wood element na iyong tinataglay.

Likas ka namang magiging mapalad sa panahon ng tag-ulan sa buwan ng Hunyo hanggang Hulyo, ganundin sa buwan ng Agosto hanggang Disyembre, higit lalo sa mga petsang 7, 16, 25, 3, 12, 21, 30, 2, 11, 20, 29, 1, 10, 19 at 28, partikular sa mga araw ng Linggo, Lunes at Huwebes. (Itutuloy)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page