Ateneo vs. San Beda; Letran vs. UST sa UAAP-NCAA challenge
- A. Servinio
- Feb 8, 2020
- 2 min read

Photo: Philippine Collegiate Champions' League
Magsisimula ngayong araw ang inaabangan na NCAA-UAAP Challenge sa FilOil Flying V Centre tampok ang mga lumaban para sa kampeonato noong 2019. Haharapin ng kampeon ng 82nd UAAP Ateneo de Manila University ang San Beda University sa tampok na laban ng 4:00 p.m. matapos ang pambungad na laro ng kampeon ng 95th NCAA Colegio de San Juan de Letran kontra University of Santo Tomas sa 2:00 p.m.
Maglalaro ng single round ang apat na paaralan at ang dalawang may pinakamataas na kartada ay tutuloy sa 2019 National Collegiate Championship sa Davao City sa Peb. 22 at 23. Sasamahan sila doon ng mga kampeon ng Luzon at pinagsamang Visayas-Mindanao.
Magpapalit ng kalaro ang mga koponan bukas (Peb. 9) at maghaharap muli ang mga lumaban para sa kampeonato ng kanilang inang liga. Sasariwain ang NCAA Finals ng Letran at San Beda sa 2:00 at ang UAAP Finals ng Ateneo at UST sa 4:00. Nakatakda ang ikatlo at huling araw ng palaro sa Peb. 15 kung saan mapapanood ang pagtutuos ng kampeon kontra kampeon, Ateneo at Letran, sa 3:00 ng hapon at San Beda kontra UST sa 1:00.
Samantala, magkakaroon ng bagong kinatawan ang Bikol sa Luzon Regional Finals matapos talunin ng Annunciation College of Bacon, Sorsogon Unit Panthers ang Naga College Foundation Tigers sa overtime noong Biyernes ng gabi, 76-73. Haharapin agad ng Panthers ang mga pambato ng Diliman College, Don Honorio Ventura Technological State University at University of the Philippines-Diliman simula bukas sa Naga City Coliseum para sa nag-iisang tiket patungong Davao.
Buo na rin ang mga maglalaro sa Visayas-Mindanao Regional Finals sa Peb. 17 hanggang 20 sa Davao matapos talunin ng Holy Trinity College of General Santos Wildcats ang MATS College of Technology Navigators, 85-82, para sa kampeonato ng Mindanao na kilala din bilang Escandor Cup. Ang ikatlo at huling pwesto ay napunta sa Holy Cross of Davao College Crusaders na binigo ang Agro-Industrial Foundation College Sailors, 71-64.





Comments