Global Makati FC, babanat sa Qatar PHL Football
- A. Servinio
- Feb 6, 2020
- 2 min read

Umaasa ang mga tagahanga ng Global Makati FC sa muling pagbangon ng kanilang paboritong koponan sa darating na ika-4 na taon ng Qatar Airways Philippines Football League (PFL) sa susunod na buwan. Papasok ang Global na may mga bagong manlalaro at bagong may-ari sa katauhan ng Mazinyi Management, isang kompanya na may opisina sa Hong Kong.
Naglabas ng bagong listahan ng manlalaro ang koponan sa pangunguna ni goalkeeper Alan Martin ng Scotland at mga Filipino na sina Gilmar Fernandez, Jordan Jarvis, Peter Varley, Charlie Beaton, Enrique Ortiz at Andreas Esswein. Naunang inihayag noong nakaraang linggo ang pagpirma nina Jose Villarreal ng U.S. at John Cofie at Suleman Naeem ng Inglatera.
Ayon sa pahayag na inilabas ng Mazinyi, malaking karangalan ang magpatakbo ng isang koponan na may mga tagahanga na hindi sila iniwan kahit maraming suliranin ang dumaan. Gusto nilang maging numero unong koponan ang Global hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong Asya at ang kanilang mga plano ay hindi lang para sa Global kundi para sa buong Pilipinas dahil malaki ang potensyal ng football at maraming manlalaro ang naghihintay ng pagkakataon na makilala.
Naniniwala ang Global na nakuha nila ang mga manlalaro na magbabalik sa koponan sa dati nitong katayuan. Sumasang-ayon ang mga manlalaro sa pilosopiya at mga pagpapahalaga ng koponan at ang mga kinuhang dayuhang manlalaro ay nagpapatunay ng kanilang bagong tuklas na ambisyon. Noong PFL 2019, nagtapos sa ika-7 at huling puwesto ang Global na may isang panalo, 19 talo at apat na tabla at ilan sa mga talo ay bunga ng hindi nila pagdating sa palaruan dahil sa mga suliranin ng koponan. Hindi sila lumahok sa Copa Paulino Alcantara. Matatandaan na bago umusbong ang mga tulad ng Ceres Negros at Kaya Iloilo, ang Global ang nagdadala ng watawat ng bansa sa AFC Champions League at AFC Cup.





Comments