Magka-live-in na makaka-jackpot sa lotto kapag tumaya nang malakas ang hangin
- Maestro Honorio Ong
- Feb 4, 2020
- 2 min read
Dear Maestro,
May kinakasama akong lalaki, pero hindi kami kasal. Itatanong ko lang kung siya na ba ang makakasama ko habambuhay? Isinilang siya noong February 6, 1989 habang ako naman ay noong October 3, 1992 at hiwalay na ako sa una kong live-in partner.
Gusto ko ring humingi ng mapalad na mga numero dahil madalas kaming tumataya sa lotto.
Umaasa,
Andrea ng Catmon, Malolos City, Bulacan
Dear Andrea,
Ayon sa zodiac sign mong Libra at birth date na 3, compatible kayo ng kinakasama mong lalaki sapagkat ang zodiac sign niyang Aquarius at birth date na 6 ay compatible sa isa’t isa dahil kapwa kayo nagtataglay ng elementong air o hangin habang sa Numerology naman, kapwa nasasakop ang numero ninyong 3 at 6 ng numerong series of 3-6-9. Ibig sabihin, compatible talaga kayo na nangangahulugan ding kasal man kayo o hindi, habang lumalaon ay patuloy na titibay, magiging mabunga at maligaya ang inyong pag-iibigan.
Pero mas maganda kung magpapakasal kayo upang sa pamamagitan ng matrimonyo ng kasal, lalo kayong suwertehin at magkaroon ng mga pagpapala at karagdagang mga biyaya sa buhay habang patuloy kayong nagmamahalan.
Samantala, dahil hangin ang elementong nangingibabaw sa zodiac sign ninyong Libra at Aquarius, kapag tataya kayo sa lotto, huwag kayong tataya sa panahong maalinsangan ang panahon o walang kaihip-ihip ang hangin, sa halip, mentras malakas ang hampas at ihip ng hangin sa kapaligiran, ‘yun ang magandang senyales na kayo ay tatama ng jackpot sa kahit na anong uri ng pakikipagsapalaran.
Piliin n’yo ang mga numero ng hangin tulad ng 3, 12, 21, 30, 6, 15, 24 at lahat ng numero na may sumatutal na 3 at 6. Itapat din ang pagtaya sa pinakapaborableng buwan para sa mga taong hangin, ang buwan ng Pebrero, Hunyo, Setyembre at Oktubre. Magsisilbing personal na anting-anting ang mga dekorasyong tumutunog kapag nahihipan ng hangin tulad ng mga wind chimes, pendulum at iba pang tulad nito.
Puwede ring pang-display sa bahay ang mga laruan o aktuwal na istruktura ng mga bagay na lumilipad sa hangin tulad ng saranggola o burador, goryon, eroplano, helicopter, elesi at iba pang hayop o insekto na may pakpak tulad ng tutubi, bubuyog, paruparo, lawin, agila at iba pang kauri nito.
Dahil compatible kayo ng live-in partner mo sa pag-aanalisang Astrology at Numerology, iminumungkahi na kayo ay magpakasal kung wala pa kayong pananagutan sa buhay upang sa ganyang paraan, kapag ikinasal na kayo at nabasbasan, kusa nang dadaloy ang mas marami pang biyayang pang-ispiritwal at pang-temporal sa inyong pamilya hanggang sa tuluy-tuloy na maging maligaya at lalo pang yumaman ang itatayo ninyong pamilya.




Comments