Wala sa edad ‘yan.. Tips para makasundo ang mas batang boss
- Lolet Abania
- Feb 3, 2020
- 2 min read

Halos lahat ng mga empleyado, mapapribado o publiko man ay nagdaan sa mas mababang posisyon, pero paano kung ang iyong boss ay mas bata sa iyo nang lima hanggang sampung taon o ‘yung tinatawag nila ngayong “millennial”, makakaya mo kayang makasundo ito agad?
1. Bantayan ang kilos at salita. Kapag nakikipag-usap ka sa iyong boss at may gusto siyang ipaliwanag o i-suggest sa iyo, iwasan mong igalaw-galaw ang iyong mga mata o kumilus-kilos.
Maupo ka nang maayos, makinig nang maigi, tumingin nang diretso sa kanyang mga mata at maging pormal.
Puwede ring mag-take ng notes habang siya ay nagsasalita. Kung papayagan ka niyang magsalita, palaging may paunang salita na, “with due respect” at dagdag ng “po” o “opo”.
Maaaring lamang ka sa karanasan kesa sa kanya dahil sa iyong edad o experience sa trabaho, pero dapat na siya ang masunod.
2. Ipalagay na palaging tama. Ang mga mas batang boss ay kadalasan, palaging nag-iisip ng mga pagbabago sa opisina at mabilis ding magdesisyon.
Iwasan mong kontrahin ang kanyang mga plano dahil ito ay para sa ikagaganda ng kumpanya ninyo.
Isiping siya ang inilagay sa posisyong ‘yun dahil may husay at kaalaman siya na wala sa iba na kayang magpaunlad ng kumpanya.
Kung mayroon kang ideya at sa tingin mo ay makatutulong ito, ipakita at ipaliwanag mo sa kanya, pero huwag mong asahang tatanggapin niya ito agad dahil maaaring pag-aaralan pa niya ito nang mabuti. Sa huli, siya pa rin naman ang magdedesisyon kung tama o hindi ang iyong suhestiyon.
3. Maging propesyUnal. Maaaring mas marami ka nang experience sa personal na buhay at kahit sa karanasan sa trabaho kesa sa iyong boss o ibang katrabaho, pero iwasan mong mag-suggest o magbigay ng opinyon sa kanila tungkol dito.
Huwag mong hayaan na maging nanay ka ng buong departamento ng kumpanya. Maganda mang pakinggan, pero kasiraan ito sa iyong career. Gayundin, magtrabaho ka ayon sa iyong katungkulan upang hindi ka magmukhang pakialamera sa paningin ng iba.
4. Pantay at walang espesyal na prEbilehiyo. Kahit may edad o experience ka na, isipin mong wala kang espesyal na prebilehiyo para palaging maging late o absent sa trabaho.
Pantay-pantay lamang kayo ng karapatan sa opisina at pinagtatrabahuhan. Maaaring may polisiya sa ibang opisina tungkol sa pagbibigay ng incentives, pero huwag umasa na uunahin ka dahil sa mas matagal ka na sa kumpanya.
5. Umakto sa edad. Kung likas na sa iyo na maging cool, mainam at maganda ito para sa iyo. Pero kung hindi naman at gusto mo lang ma-impress ang iyong batang boss, iwasan mo na lang. Magmumukha kang katawa-tawa sa paningin ng lahat dahil sa hindi ka kumikilos nang ayon sa iyong edad.
Iisipin din nilang napaka-trying hard mo lamang. Dapat ay umakto ka sa reyalidad ng mundo dahil ang lahat ay tumatanda at nagma-mature.
Marami tayong inaasahan sa iba’t ibang tao at dahil sa ating mga karanasan, minsan ay inaakala nating mas marunong at magaling tayo kaysa sa iba.
Pero dapat nating tandaan na may kani-kanya tayong husay at talento at hindi ito nakukuha sa edad o experience lamang.
Matuto tayong magtrabaho nang masaya para maibigay natin ang ating best sa kumpanya. Kuha mo?




Comments