Para may career at datung… Ronnie, todo-pakiusap sa dos na wag silang paghiwalayin ni Loisa
- Vinia Vivar
- Feb 3, 2020
- 2 min read

Kaaliw si Ronnie Alonte na nakiusap talaga nang bonggang-bongga sa Star Cinema na huwag muna silang paghiwalayin ni Loisa Andalio bilang magka-love team.
Natanong kasi ang real and real-life couple sa presscon ng first movie nilang James and Pat and Dave last Friday kung sa mga susunod na pelikula ba nila ay gusto pa nilang magka-love team or open ba sila na makapareha ang ibang mga artists.
Sagot ni Ronnie, “Siguro po, dahil kaka-start pa lang namin, kaka-launch lang namin bilang talagang love team, as in Loisa-Ronnie, ngayon lang pong 2020 ‘yun nangyari, kung sakali man po na kumita ‘yung pelikula, sana naman po, Star Cinema, ibigay n’yo po ulit sa akin si Loisa. Muna. Muna. Muna.” Sigawan ang LoiNie fans na nasa presscon.
Dagdag pa ni Ronnie, “Gusto pa po naming may mas mapatunayan pa. Gusto pa po namin na makatrabaho pa ang isa’t isa sa ngayon. So, darating din ang araw pagka medyo tumanda-tanda na kami, du’n po siguro, puwede na (maghiwalay).
“Pero Star Cinema, please po,” pakiusap ni Ronnie. Nang tanungin naman si Loisa, aniya, “Sa ‘kin po, ganu’n din po.” Parang nakahinga naman nang maluwag si Ronnie sa sagot ni Loisa at aniya,
“Salamat. Kinabahan ako, baka iba ‘yung sabihin niya, eh. Salamat.” Dahil dito, nagtawanan ang mga press people, maging ang mga fans nilang dalawa.
Patuloy ni Loisa, “‘Yung pakiramdam po namin ni Ronnie, sa totoo lang, parang ngayon pa lang po talaga kami nagsisimula. Ngayon pa lang po kami nabigyan ng ganito kalaking opportunity at break. Kaya sobrang… ayoko pa po munang pakawalan si Ronnie sa trabaho.”
Humirit pa ulit si Ronnie. Aniya, “Okay naman. Depende naman sa istorya talaga kung ano ang ibigay ng Star (Cinema). Kung tutuusin po, kung ano pong ibigay ng Star, tatanggapin po namin.
“Pero please lang po, huwag po muna.”
Ang James and Pat and Dave kasi ang masasabing launching film ng LoiNie love team dahil ito ang unang movie na sila talaga ang bida. Sequel bale ito ng Vince & Kath & James na ipinalabas noong 2016 na pinagbidahan nina Joshua Garcia at Julia Barretto.
Sa naturang dalawang pelikula ay parehong naroon si Ronnie na gumaganap na James. Hindi raw napili ang karakter niya ni Kath (Julia) kaya binigyan ng sequel kung ano naman ang nangyari sa kanyang karakter.
Sa sequel ay si Donny Pangilinan naman ang gumaganap na 3rd party kina James and Pat bilang si Dave.





Comments