Para mapaghandaan mo, besh... Alamin: iba’t ibang dahilan ng trapik

Trapik ang palaging pinoproblema ng mga kababayan nating bumibiyahe papasok o papauwi sa kanilang mga opisina, trabaho o eskuwelahan, kaya naman hindi na bago sa kanila ang mga ganitong eksena. Dagdag pa rito, ito ang kadalasang sanhi ng pagiging late sa mga lakad.
Pero anu-ano nga ba ang mga dahilan kung bakit malala na ang trapik sa bansa?
1. AKSIDENTE. Kapag nagkaroon ng aksidente, hindi basta-bastang nililinis ang area dahil kailangan itong imbestigahan agad kaya walang choice kundi makaabala sa ibang bumibiyahe. Mas malala ito kung mangyayari sa mga intersection dahil lahat ng daan ay maaapektuhan. Kaya minsan, kahit maganda ang daloy ng trapiko ay magugulat ka na lang na biglang magkakaroon ng traffic.
2. ULAN AT BAHA. Dahil sa malalakas na ulan at bagyo, nagbabawas ng speed ang mga drivers dahil madulas ang kalsada at bumabaha sa ilang lugar. Dahil dito, napipilitang dumaan sa mga main roads ang mga private vehicles kahit alam nilang maiipit sila sa trapik.
3. MARAMING SASAKYAN. Dahil sa sobrang dami ng mga sasakyan at sabay-sabay pa itong bumibiyahe, walang pagbabago ang daloy ng trapik kahit mayroon pang coding. Dahil dito, may ilan na pinipiling mag-commute na lang dahil mas mura ito kesa gamitin ang kanilang sasakyan at magmaneho sa pagpasok at pag-uwi mula sa trabaho.
4. RUSH HOUR. Alas-4:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi ang itinuturing nating rush hour dahil uwian na galing sa trabaho o paaralan kaya kasabay din nito ang mga pribado at mga pampasaherong sasakyan. Kaya ang eksena ay siksikan sa terminal, sasakyan at kalsada. Kaya, karamihan sa kanila ay mas napapagod sa biyahe kaysa sa trabaho.
5. PAG-AAYOS NG MGA KALSADA. Isa rin sa mga dahilan ng traffic ay ang mga inaayos na kalsada dahil minsan ay may mga isinasarang daanan o ruta at binabawasan ang mga daanan ng mga sasakyan kaya matinding pagtitiis din ang kailangan n’yong baunin bago bumiyahe.
6. PILA NG MGA PAMPASAHERONG SASAKYAN. Hindi natin masisisi ang mga pampasaherong sasakyan na nagtitiyagang pumila sa mga terminal dahil isa ito sa mga diskarte nila upang makakuha ng pasahero.
7. ESPESYAL NA OKASYON. Tulad ng mga okasyon ng New Year, Undas at Pasko dahil marami tayong kababayan na umuuwi sa kani-kanilang mga probinsiya. Balewala ang napakahabang trapik sa kanila, makasama lang ang kanilang pamilya sa ganitong mahahalagang okasyon.
Naging parte na ng pang-araw-araw na buhay ng mga Pinoy ang sumabak sa trapik at kapag may mga okasyon, lalo pa itong lumalala kaya kahit may baon kang pasensiya, tiyak na mauubos ka. Para sa mga kababayan nating palaging laman ng kalsada, ‘wag n’yong kalimutan na magbaon ng meryenda at tubig nang sa gayun ay hindi kayo abutan ng gutom sa biyahe. Ingat, mga ka-BULGAR!





Comments